TAAS-SINGIL SA PASAHE PINALAGAN NG DOTR

Transportation Secretary Arthur Tugade-2

INALMAHAN ng Department of Transportation (DOTr) ang hirit na dagdag-singil sa pasahe sa mga pampublikong sasakyan sa paniniwalang magpapabilis ito sa inflation sa bansa.

Sa  Talk to the People ng Pangulo na iniere nitong Miyerkoles, kinatigan ni DOTr  Secretary Arthur Tugade ang pahayag ni Socioeconomic Planning Secretary at National Economic and Development Authority (NEDA) chief Karl Kendrick Chua na ang pagtataas sa minimum fare sa jeepney at minimum wage ay mangangahulugan ng pagbilis ng inflation rate sa 5.1%.

“Kaya nga ang posisyon ng Department of Transportation ngayon ay hindi magtaas ng fare. Kasi ‘yung impact ng fare hike ay ipinakita ni Secretary Karl kanina, tatamaan ‘yung tinatawag natin na inflation rate,” sabi ni Tugade.

Hinikayat niya ang mga driver at operator na huwag magtaas ng pamasahe at sa halip ay tanggapin ang ayuda.

Ilang grupo ng public utility vehicle (PUV) drivers at operators ang naghain ng petisyon para sa fare hike sa gitna ng serye ng fuel price increases dahil sa nagpapatuloy na krisis sa pagitan ng Ukraine at ng Russia.

Para mapagaan ang sitwasyon, sinimulan ng pamahalaan ngayong linggo ang pamamahagi ng P6,500 fuel subsidies sa 377,000 qualified PUV drivers at operators.

May kabuuang P2.5 billion ang inilaan sa  Fuel Subsidy Program ng DOTr na inilabas noong nakaraang linggo.