INIHAIN sa Kamara ang isa pang panukala para taasan ang buwanang sahod ng mga nurse sa pribadong ospital.
Sa House Bill 7851, hiniling ng mga kongresista ng Makabayan na dagdagan at ipantay sa mga public nurse ang sahod ng mga private nurse sa bansa.
Nakapaloob sa “Salary Increase for Private Sector Nurses Act of 2020” ang pagtataas sa P32,000 kada buwan sa sahod ng mga nurse sa mga pribadong pagamutan o katumbas ng Salary Grade 15 sa Salary Standardization Law.
Magkakaroon din ng adjustment o pagtaas sa suweldo ang mga private nurse sa tuwing magkakaroon ng adjustment sa sahod ang mga nurse mula sa pampublikong ospital.
Mahaharap naman sa multang P500,000 o pagkakabilaggo ng isa hanggang dalawang taon ang sinuman o alinmang institusyon na lalabag sa oras na maging ganap na batas ang panukala.
Batay sa tala ng Department of Labor and Employment (DOLE), aabot sa P8,000 hanggang P13,500 ang sahod ng mga entry-level registered nurse, P9,757 sa mga hospital-hired nurse, habang P5,000 hanggang P10,000 kada buwan naman ang sahod sa mga private sector nurse.
Giit ng mga kongresista, malayo ito sa sahod ng mga nurse mula sa mga kapitbahay na bansa sa South East Asia tulad sa Vietnam na nasa P62,000, Thailand na nasa P83,000, Malaysia na P97,000 at Singapore na nasa P236,000 kada buwan. CONDE BATAC
Comments are closed.