IREREKOMENDA ng Department of Agriculture (DA) ang pagtataas ng taripa para sa rice imports kapag bumaba nang malaki ang retail price ng bigas kalaunan sa periodic review nito sa susunod na apat na buwan, ayon kay Secretary Francisco Tiu Laurel Jr.
Inilutang ni Tiu Laurel ang ideya ng pagtataas sa rice import tariff rate, na ibinaba sa 15% mula 35% hanggang 2028 sa ilalim ng Executive Order No. 62, kapag naging paborable ang kondisyon.
Sinabi ni Tiu Laurel na minamandato ng EO 62 ang periodic review ng tariff rates tuwing apat na buwan mula sa pagiging epektibo ng kautusan sa July 6.
“The review will suffice to make sure that in case when the prices go down and the consumers are happy… then maybe we can raise the tariff rates again,” aniya.
“So just in time by November, we believe world prices will have gone down… by that time India is expected to lift its export ban on rice,” dagdag pa niya.
Sinabi ni Tiu Laurel na kapag ang presyo ng bigas ay bumaba sa pagitan ng P42 kada kilo at P45 kada kilo, irerekomenda ng DA ang pagtataas sa taripa sa imported na bigas.
Sa ngayon, aniya, ang presyo ng well-milled rice ay P52 hanggang P55 kada kilo.
Sinabi ng DA chief na nauunawaan niya ang kalagayan ng local rice farming sector, subalit binigyang-diin niya na kailangang ibaba ang rice tariff sa ngayon dahil sa sobrang taas ng presyo ng bigas.
“There’s another issue of exchange rate… all of the burden goes to consumers,” ani Tiu Laurel.
Sa kabila, hindi, aniya, pababayaan ng DA ang local farmers dahil may mga programa sila na nagbibigay ng mas maraming inputs sa mga magsasaka para madagdagan ang kanilang mga ani.