UMARAY ang ilang grupo sa isinusulong na Senate Bill 1812 ni Senator Lito Lapid na naglalayong amyendahan ang RA 10845 (Anti-Agricultural Smuggling Act of 2016).
Pinasisingit naman kasi ni Lapid sa batas ang mga produktong tabako tulad ng sigarilyo sa parehong kategorya ng bigas, asukal, gulay at karne.
Nais din daw ng senador na mailagay sa RA 10845 ang iba pang mahahalagang produktong pagkain na dapat masinsinang manmanan ang pagpupuslit sa bansa.
Ngunit sa palagay ko, hindi na dapat amyendahan ito para lamang maisama ang tabako, hilaw man o sigarilyo na ito.
Aba’y ang layunin ng batas ay talaga namang tiyak at malinaw na isinasaad dito.
Ang pangunahin at mahalagang produkto ng agrikulturang tinutukoy sa RA 10845 ay ang mga produktong dumaraan sa merkado tulad ng asukal, mais, karneng baboy, manok, baka, bawang, sibuyas, carrots, isda at iba pang mga hilaw na gulay.
Sa tingin ko, kung ang tabako o sigarilyo ay isasama bilang mahalagang produkto ng agrikultura na maka-aapekto sa seguridad ng pagkain ay malinaw na maling polisya.
Maliwanag pa sa sikat ng araw na hindi naman natin kinakain ang tabako kaya hindi ito matatawag na pagkain at hindi ito dapat isama sa ating hapag-kainan.
Kinokontrol nga naman ng pamahalaan ang tabako at yosi dahil sa mapaminsalang epekto nito na napatunayan na ng mga dalubhasa o siyentipiko. Ang mga pagkaing saklaw ng RA 10845 ay kinakailangan ng ating katawan o kalusugan para sa kaligtasan ng bawat mamamayan.
Kaya nga pinatawan ng “sin tax”, pati ang alak, dahil ang paggamit ng tabako o sigarilyo ay isang bisyo lamang.
May kaugnayan sa “supply and demand” at katatagan ng presyo ang mga pangunahing at mahahalagang pagkain sa RA 10845 habang ang tabako, sigarilyo at mga kagaya pa nitong produkto ay hindi naman.
Kung ipipilit ni Lapid ang kanyang panukala, aba’y makakagulo lamang ito sa talagang tinutumbok na layunin ng batas.
Gayunman, para masubukan na rin ang bangis ng RA 10845 na may mabigat na parusa sa mga sumasabotahe ng ating ekonomiya, mas maigi sigurong tukuyin muna, hulihin at ikulong ng mga kinauukulang ahensya ng gobyerno ang mga smuggler ng mga essential food product.