NAMAYAGPAG ang galing ng Albayanong micro small and medium enterprise (MSME) na Bontarade Inc. nang katawanin nila ang Department of Trade and Industry (DTI) Region 5 sa katatapos na kumpetisyon.
Ipinakilala at ipinagmalaki nila ang Alea Chocolates sa pamamagitan ng punong barista na si Ma. Mae Alyn Nacion, matapos magwagi sa ginanap na Philippine Flavored Tablea Competition 2024 sa Waterfront Hotel sa Cebu City kamakailan.
Ipinakita ng nasabing MSME ang kanilang makabago at katangi-tanging ‘Alea Tsokolate Lemon Latte’ na naging kampeon sa kumpetisyon.
Ang kumpetisyon ay sinalihan ng 30 kalahok sa buong bansa na naglalayong pukawin ang pagkamalikhain ng mga Pilipino na gumawa ng mga bagong produkto para sa Chocolate Market.
Ang nasabing aktibidad ay inorganisa ng Philippine Cacao Industry Council (PCIC), Philippine Cacao Industry Association (PCIA), Department of Tourism (DOT) at Pastry Alliance of the Philippines, at isinagawa bilang bahagi ng National Cacao Congress 2024.
RUBEN FUENTES