TAEKWONDO JIN GANAPIN KUMPIYANSA SA PARALYMPIC GAMES

PARIS – Mas wais at mature matapos ang mga naunang kabiguan sa international play, target ni national para taekwondo jin Allain Ganapin ang “one match at a time” na inaasahan niyang maghahatid sa golden glory sa 17th Paris Paralympic Games dito.

“One match at a time lang po sir at talagang pinaghandaan ko po ito. I am taking my competition with a much more relaxed attitude,” pahayag ng soft-spoken athlete, na na-sideline dahil sa COVID-19 bago ang kanyang Paralympic Games debut sa Tokyo, tatlong taon na ang nakalilipas.

Pagkatapos sa 4th Asian Para Games sa Hangzhou, China noong nakaraang taon, ang 26-year-old Marikina native ay pinarusahan nang tamaan sa ulo ang kanyang katunggali sa first round ng men’s 80-kilogram division, na nagresulta sa kanyang maagang disqualification.

Sa kabila ng lahat ng kabiguang ito, si Ganapin ay hindi nawalan ng gana na sumabak para sa bansa at nag-qualify para sa ikalawang sunod na Paralympic stint makaraang gapiin si Indian Sandeep Singh sa Asian Taekwondo Olympic and Paralympic qualification meet sa Taiyang, China noong nakaraang Marso.

Kabilang siya sa 12 entries na sasalang sa men’s 80-kilogram weight class sa Sabado sa Grand Palais kung saan idinaos din ang Olympic taekwondo competition, ilang linggo pa lamang ang nakalilipas.

“We will take it one match at a time but we are prepared to compete in four matches (until the finals) if needed,” wika ni coach Gershon Bautista, na siya ring one-armed mentor ng jin sa kanyang pagsabak sa Hangzhou.

Idinagdag ni Bautista na sakaling pumabor ang draw sa kanyang alaga, “then we could reach the finals in just two bouts and battle for the gold.”

Ang coach ay hindi nag-iisa rito na nagsasanay kay Ganapin, kasama niya si fellow para taekwondo coach August dela Cruz, na dapat sanang gumabay sa atleta sa Tokyo Paralympic Games, bilang sparring partner sa stint na suportado ng Philippine Sports Commission.

Sinabi ni Ganapin na ang malungkot niyang karanasan ay nagbigay sa kanya ng tamang pananaw sa pagharap sa pressures ng pagiging unang para taekwondo jin sa sport na nasa ikalawang appearance bilang isang medal discipline sa quadrennial meet para sa best physically-challenged athletes sa mundo.

“Nananalangin po ako na dito sa hirap at preparasyon na aming ginawa sa second Paralympic Games ko po ay makapagbigay ako ng karangalan sa ating bansa at kababayan. Ito din ang pagkakataon na mabigyan ng pansin ang iba pang para taekwondo jins na katulad ko,” aniya.