DAVAO DEL NORTE – Humakot ng tatlong gold medals ang pambato ng General Santos City sa taekwondo sa ikalawang araw ng bak-bakan sa 2019 Batang Pinoy Mindanao leg na ginaganap sa Davao del Norte Sports Complex dito.
Pinasadahan agad ni National Junior Pool member Paul Anthony Rodriguez ang pagsungkit ng ikatlong gold sa taekwondo, kung saan nadomi-nahan niya ang tatlong events – junior pair, junior team at individual junior poomsae – kahapon.
Hindi inaasahan ng 13-anyos na si Rodriguez ang kanyang pagkopo ng tatlong gintong medalya sa nasabing mga event dahil sa hirap, aniya, ng training.
“Surprised po ako kasi talagang naghirap po kami sa training,” wika ng Grade 7 student ng Holy Trinity College ng General Santos City. “Six times a week po kung mag-ensayo kami,” aniya.
Hindi naman na bago kay Rodriguez ang makakuha ng ginto sa taekwondo dahil sa 2018 Batang Pinoy National Finals na ginanap sa Baguio ay nakadalawang ginto siya, gayundin sa 2018 Mindanao leg na ginanap naman sa Oroquieta.
Naging inspirasyon ni Rodriguez ang kanyang mga kapatid na, aniya, ay naglalaro rin ng taekwondo, at plano niyang paghusayan pa upang maka-paglaro sa ibang bansa.
“Pangarap ko po na makapaglaro sa ibang bansa balang araw, at mai-represent ang country natin” dagdag pa ng pambato ng GenSan.
Samantala, hindi rin nagpahuli sa paghakot ng ginto ang pambato ng South Cotabato sa archery matapos na kunin ni Grace Signacion ang kanyang ikalawang ginto sa Yeoman individual girls Olympic round matapos nitong angkinin ang unang ginto sa yeoman 72 round.
Pumangalawa kay Signacion ang pambato ng City of Koronadal na si Samantha Isabel Lorieno para sa silver habang bronze naman ang naiuwi ng isa pang pambato ng South Cotabato na si Krizleyn Hope Ferrer.
Dalawang ginto rin agad ang naitala ng duo nina Jan Ryl Gabatilla at Kathleen Mae Catapan ng Panabo City sa Dancesports makaraan silang mag-wagi sa Juvenile C Standard at Junior A standard event.
Sa chess naman ay dinomina ng GenSan ang Rapid Boys 12-under at Rapid Boys 13-15 nang pagharian nina Clint Calvin Atoc at Hein Angelito Aparte ang nasabing mga event, ayon sa pagkakasunod.
Sa Rapid girls 13-15 ay nakuha naman ni Aliyah Rae Lumangtad ng host City Davao del Norte ang ginto, habang si Ruelle Canino ng Cagayan de Oro City naman ang nakapag-uwi ng ginto sa Rapid girls 12.
Ang siyam na araw na kumpetisyon ay kabilang sa grassroots sports program ng Philippine Sports Commission (PSC) na pinamumunuan ni Chairman William ‘Butch’ Ramirez, at suportado naman ng STI at Alfalink Total Solutions.
Comments are closed.