TAG-INIT NA NAMAN, MAGTIPID TAYO MULI SA KORYENTE

TAPOS  na ang maliligayang araw natin kung saan halos hindi tayo gumagamit ng aircon o electric fan dahil sa lamig ng panahon. Kasabay pa rito ay ‘yung simoy ng hanging amihan. Subalit kung mapapansin at mararamdaman natin, tila papasok na ang panahon ng tag-init. Kaya siguradong mapipilitan tayo muli magsindi ng aircon o kaya naman ay mas matagal ang paggamit ng ating mga electric fan. Palagi namang nagbibigay ng paalala ang Meralco sa mga pamamaraan ng pagtitipid sa pagkonsumo ng koryente sa kanilang mga customers.

Noong nakaraang linggo, nagbigay babala ang National Grid Corporation of the Philippines (NGCP). Nakikita nila na maaaring manipis ang power supply ng koryente ng bansa nitong panahon ng tag-init. Ayon sa NGCP, ang peak demand sa Luzon nitong panahon ng tag-init ay tinatayang aakyat ng 13, 125 megawatts (MW) pagsapit sa katapusan ng buwan ng Mayo. Mas mataas daw ito ng 8.35 percent sa aktwal na peak load noong nakaraang taon na 12,113 MW ayon sa Department of Energy.

Ayon pa sa NGCP, dito sa Luzon, inaasahan na ninipis ang operating margins mula buwan ng Abril hanggang Hunyo “due to the historically high demand during the summer months.”

Kaya malinaw na kailangan nating buksan ang ating isipan na magbabago ang pamamaraan ng ating paggamit ng koryente sa panahon ng tag-init kung ating ihahambing sa panahon ng tag-lamig at sa panahon ng tag-ulan kung saan hindi tayo malakas sa paggamit ng koryente.

Sa totoo lang, itong mga pangyayari ay paulit-ulit at pa ikot-ikot lang tuwing taon. Hindi ito naiiba sa mga obligasyon natin taon-taon sa pagbabayad ng ating income tax, amilyar, pagrehistro ng sasakyan at matrikula ng ating mga anak sa eskwela.

Ang ibig ko lang sabihin dito ay, huwag na tayo magtataka kung tataas ang singil ng koryente pagsapit ng tag-init.

Ganito ang nangyayari at nararanasan natin tuwing pagsapit ng panahon ng tag-init taon-taon.

Malinaw sa pag-anunsiyo ng NGCP na magkakaroon ng kakulangan ng supply ng koryente nitong mga susunod na buwan. “While base case projections show no yellow or red alerts, there are weeks between March and April where operating margins are below required levels due to higher demand and planned outages of plants,” ang paliwanag pa ng NGCP.

Kaya ang nakikita lang natin na malinaw na solusyon dito ay ang karagdagang mga power plants upang bumaba ang presyo ng koryente. Dahil kung marami ang power plants sa bansa, magkakaroon sila ng kompetisyon kung sino sa kanila ang maaaring magbagsak ng presyo ng koryente na maaaring ikontrata ng mga distribution utilities (DUs) at electric cooperatives (EC) sa bansa. Dito lamang tayo makatitiyak ng pagbaba ng presyo ng koryente.

Hangga’t ito ay hindi pa nangyayari, huwag na tayo magtaka kung malalaman natin sa mga susunod na buwan ang pag- anunsiyo ng mataas na singil sa koryente. Ang panabla na lang natin dito ay ang pagtitipid sa konsumo ng koryente.