DEKLARADO na ng PAGASA ang tag-ulan, ngunit patuloy namang lumalakas ang bagyong Domeng habang papalabas ng bansa.
Ayon kay PAGASA forecaster Chris Perez, maaga silang nagdeklara ng tag-ulan dahil ilang araw na ang nararanasang buhos ng ulan sa malaking parte ng Filipinas dala ng thunderstorm.
Ngayong linggo umano ay nakompleto na ang mga kinakailangan para masabing tag-ulan na, kung saan ang pangunahing basehan ay ang pagpasok ng hanging habagat at ang magkakasunod na araw na may pagbuhos ng ulan.
Lalo namang lumalakas ang bagyong Domeng habang papalayo sa bansa, dahil nahihila umano nito ang hanging habagat.
Bagama’t palabas na ng Philippine Area of Responsibility (PAR), bahagya pang lumakas ang Tropical Depression Domeng na kumikilos pa-hilaga sa bilis na 15 kph.
Ayon kay PAGASA Weather Specialist Ezra Bulquerin, taglay ngayon ng bagyo ang lakas ng hanging aabot sa 60 kph at pag-bugsong 75 kph.
Huling namataan ang sentro ng bagyo sa layong 470 kilometers east ng Casiguran, Aurora.
Habang lumalayo ang bagyo ay hinahatak nito ang Southwest Monsoon na magdadala ng pag-ulan sa MIMAROPA, CALABARZON, Western Visayas, ilang bahagi ng Southern Luzon kabilang ang Aurora, Bataan at Zambales.
Inaasahang lalabas na ng teritoryo ng bansa ang bagyo sa Linggo.
Gayunman, may namataan na namang low pressure area sa layong 1,030 kilometers west ng Basco, Batanes ngunit hindi pa alam kung mabubuo ito bilang bagyo. NENET L. VILLAFANIA
Comments are closed.