Tag-ulan na naman sa ating bansa. At habang nag-e-enjoy ang mga estudyante dahil sa sunod-sunod na suspensiyon ng klase, struggle is real naman ang mga empleyado dahil tuloy pa rin ang trabaho kahit na may bagyo.
Madalas nating maririnig ang pag-angal ng mga estudyante tuwing huli na kung mag-anunsiyo ng suspensiyon si Mayor o ang eskuwelahan. Ngunit kapag empleyado na, hindi na puwedeng magreklamo kung waterproof ba, kasi kailangang pumasok talaga.
At dahil tiyak na mapapalaban ang mga masisipag na empleyado, hindi lamang sa malakas na ulan kung hindi pati na rin sa kaliwaang baha at sakit sa ulong traffic, narito ang ilang tag-ulan tips para maging handa sa ganitong panahon:
SIGURADUHING LAGING MAY PAYONG
Huwag na huwag kalilimutan ang payong tuwing papasok sa trabaho. Kung aalis nang walang ulan sa bahay, siguraduhing ang payong ay nasa loob ng bag. Mahirap mabasa ng ulan ngayon pang panahon ng trangkaso, ubo at sipon. Mas mabuti ring may dalang jacket o kapote para hindi lang payong ang iyong panangga sa malakas na hangin at ulan.
MAGBAON NG TSINELAS
Magbaon ng tsinelas para hindi mabasa ang sapatos. Mas mainam kung may hiwalay na sapatos sa opisina nang sa gayon ay may magagamit ka na hindi nabasa ng ulan. Malinis na, iwas-alipunga pa.
LAGING MAGDALA NG EXTRA NA DAMIT
Dahil hindi maiiwasang mabasa ng ulan, dapat ay may baong pamalit ng damit. Ito ay para hindi magtiis sa basang damit at hayaang matuyo sa katawan na puwedeng maging sanhi ng sakit.
ALAMIN ANG LAGAY NG PANAHON
Kung dating mag-aaral pa lang ay nakikinig ng balita para sa suspensiyon ng klase, ngayong nagtatrabaho na ay mahalagang alam din ang lagay ng panahon. Makinig at alamin ang mga lugar na tatamaan ng malakas na ulan at mga lugar na posibleng magkabaha para handa ka sa mga posibilidad na may baha sa iyong dadaanan at makapag-isip na ng bagong ruta para hindi gaanong mahirapan.
IWASANG LUMUSONG SA BAHA
Maraming lugar sa Filipinas ang bahain ngunit may mga pagkakataon namang maaaring iwasan ang paglusong dito.
Lalo pa’t pakaiwasan ang mga bahang sobrang dumi. Ito ay para makaiwas sa posibleng dulot nitong sakit tulad ng leptospirosis.
IHANDA ANG CELLPHONE
Bago umalis ng opisina, siguraduhing full charge ang battey ng cellphone o may dalang power bank. Ito ay kung sakaling ma-stranded ka man pauwi, mayroon kang gamit para sabihan ang pamilya at makahingi ng tulong.
MAGHANDA NG FIRST AID KIT
Hindi kailangang malaki at magastos na first aid kit ang nakalagay o nakahanda sa loob ng bag.
Kahit isang maliit na pouch lamang na naglalaman ng band aids, bulak, alcohol at mga gamot sa trangkaso at diarrhea ay puwede nang makatulong sa iyo kung sakaling kailanganin.
Mahalagang maging ligtas ngayong tag-ulan. Ang pagiging handa ay makatutulong nang malaki upang maiwasan ang pagkakasakit.
Hindi natin maiiwasan ang panahon ng tag-ulan, pero kailangan nating magtrabaho kaya ihanda ang sarili at katawan para may laban ang bawat isa sa atin, bumagyo man.(photos mula sa google) Lyka Navarrosa