TAG-ULAN TIPS PARA SA MGA EMPLEYADO

TAG-ULAN TIP-EMPLEYADO

(NI CS SALUD)

UMULAN man o umaraw, kailangang magtrabaho ang isang empleyado. Hindi nga naman kagaya ng es-tudyante na puwedeng makansela ang klase lalo na kung baha at may bagyo.

Kung empleyado, hindi nga naman puwedeng magreklamo. Hindi rin kasi lahat ng kompanya ay nagkakansela ng pasok.

At dahil tiyak na mapapalaban ang bawat empleyado, hindi lamang sa malakas na ulan kundi pati na rin sa kaliwa’t kanang baha at sakit sa ulong traffic, narito ang ilang tag-ulan tips para maging handa.

SIGURADUHING LAGING MAY DALANG PAYONG

Payong ang isa sa pinakaimportante sa atin sa panahon ng tag-ulan. Kung wala ka nga namang dalang payong at biglang bumuhos ang ulan, paniguradong magiging basang sisiw ka.  Mahirap mabasa ng ulan ngayong panahon ng trangkaso, ubo at sipon. Kaya huwag kaliligtaan ang magdala ng payong sa araw-araw o sa tuwing lalabas ng bahay. Mainam din ang pagdadala ng jacket at scarf nang hindi lang payong ang iyong panangga sa malakas na hangin at ulan.

MAGBAON NG TSINELAS O MAGSUOT NG JELLY SHOES

Sayang din naman ang ating sapatos kung mababasa lang ng ulan at mapuputikan. Kaya naman, mainam sa ganitong panahon ang pagdadala ng tsinelas nang kung sakali mang biglang umulan, may magagamit na pampalit.

Mainam din ang pagsusuot ng jelly shoes. Maganda rin kung may hiwalay na sapatos sa opisina nang sa gayon ay mayroon kang magagamit na hindi basa ng ulan. Malinis na, iwas-alipunga pa.

LAGING MAGDALA NG EKSTRANG DAMIT

Dahil hindi maiiwasang mabasa ng ulan, dapat ay lagi tayong handa. Siguraduhing may baong pamalit ng damit nang hindi magtiis at lamigin kapag nabasa ng ulan.

Kung basa ang damit, malaki ang tiyansang dapuan tayo ng sakit.

KUMAIN NG MASUSTANSIYANG PAGKAIN AT REGULAR NA MAG-EHERSISYO

Mahalaga rin ang pagkain ng masusustansiya nang mapalakas ang resistensiya. Habang malakas ang resistensiya ay hindi kaagad darapuan ng iba’t ibang sakit gaya ng ubo, sipon at lagnat.

Mainam din kung mag-eehersisyo sa araw-araw para maging malusog—hindi lamang ang katawan kundi maging ang isipan.

IWASANG LUMUSONG SA BAHA

Maraming lugar sa Filipinas ang bahain ngunit may mga pagkakataon namang maaaring iwasan ang paglusong dito. Ma­raming dulot na panganib ang paglusong sa baha kaya’t nang maiwasan ang mga ito, huwag o iwasang lumusong sa baha.

Pahupain muna ang baha.

IHANDA ANG CELLPHONE AT SIGURADUHING MAY BATERYA

Bago umalis ng opisina o bahay, siguraduhing full charge ang battery ng cellphone o may dalang power bank nang may magamit sa panahon ng pangangailangan, halimbawa na lang kapag na-stranded.

Kung wala nga namang baterya o patay ang cellphone, mahihirapang humingi ng tulong. Kaya’t sa tuwing aalis ng bahay man o opisina, i-check ang cellphone at siguraduhing mayroon itong baterya. Mainam din ang pagdadala ng powerbank.

MAGDALA NG FIRST AID KIT

Maging handa rin sa pamamagitan ng pagdadala ng first aid kit. Ilan sa mga nasa loob ng first aid kit ang band aids, bulak, alcohol at mga gamot sa trangkaso at diarrhea.

MAGSUOT NG NAAAYON SA PANAHON

At dahil malamig ang panahon, mahalaga ang pagsusuot ng naaayon sa panahon gaya na lang ng damit na may manggas o kaya naman, leggings.

Importante ring nakapagsusuot kayo ng tama o akma sa panahon nang malayo sa kapahamakan.

ALAMIN ANG LAGAY NG PANAHON

Importante rin ang pagiging updated sa lagay ng panahon. Kaya makinig at alamin ang mga lugar na tatamaan ng malakas na ulan at posibleng magkabaha.

Mahalagang maging ligtas ang bawat isa sa atin ngayong tag-ulan. Ang pagiging handa ay makatutulong nang malaki upang maiwasan ang pagka-kasakit.

Hindi natin maiiwasan ang panahon ng tag-ulan, pero maiiwasan natin ang pagkakasakit.

Maging maingat at handa, lalo na sa walang patid na pagbuhos ng ulan.

(photos mula sa inc.com, resumetarget.com. fitforwork.org)

Comments are closed.