PINAALALAHANAN ni Benguet-Caretaker Rep. Eric Yap ang kanyang constituents na mag-doble-ingat dahil umabot na sa kanilang katabing lalawigan na Mountain Province ang UK variant ng COVID-19.
Batay sa report ng Department of Health (DOH) noong Biyernes, 12 sa 17 UK COVID variant affected individuals na naitala sa bansa ay taga-Mountain Province.
Ayon kay Cong. Yap, sa panayam sa radyo nitong weekend, “Puspusan ang pagmomonitor ng DOH at local health offices sa virus sa lugar pero kailangan doble-ingat ang mga kababayan natin doon.”
Tiniyak naman ng mambabatas na naka-monitor ang kanyang tanggapan at handang magbigay ng agarang ayuda kung makapasok ang nasabing UK COVID variant sa Benguet.
“Kakausapin ko ang mga local leaders para paalalahanan at imonitor ang mga kababayan nila at kung ano ang dapat gawin kung tumama na sa Benguet ang UK COVID variant,” ani Yap.
Dagdag pa niya, “Handa rin pong tumulong sa pagpapagamot ang aking tanggapan sa mga taga-Benguet sakaling mahawahan ng UK COVID variant ang mga ito.” PMRT
Comments are closed.