LALO pang lumobo ang bilang ng mga personalidad na tinitiktikan ngayon ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) nang madagdag ang ilang media personalities, mga hukom, government workers at elected officials sa updated ‘narco-list’ ng ahensiya.
Ayon kay PDEA Director General Aaron Aquino, dumoble na ang bilang ng mga indibidwal na nasa kanilang narco list mula sa dating 3,000 lamang.
Sa paliwanag ni Aquino, ang updated narco list ay resulta ng ilang buwang pagsisikap ng apat na government agencies na i-cross-check at i-revalidate ang mga pangalan na napasama sa kanilang listahan.
Dahil sa revalidation na kanilang ginawa, sinabi ni Aquino na dumoble ang bilang ng mga mambabatas, barangay at iba pang opisyal na nasa listahan.
“Nagsimula ito sa 3,000 plus nu’ng 2016 at ngayon nasa mahigit na 6,000 na,” pahayag pa ni Aquino.
Samantala, pabor naman si Department of Interior and Local Government Undersecretary Epimaco Densing III sa mga panawagang pangalanan na ang mga opisyal ng gobyerno na nasa narco list ng PDEA.
Sinabi ni Densing na ito ay para maipaalam sa publiko ang mga ilegal na gawain ng kanilang mga ibinobotong opisyal.
Sa narco list na hawak ng PDEA, 93 opisyal ng gobyerno na kinabibilangan ng ilang kongresista at alkalde ang sangkot umano sa ilegal na droga.
“Kapag ikaw po ay public official, public trust ‘yun e, iba po ‘yan kapag pribadong tao ka, kung public official ka at may ebidensiya na ikaw ay nakakabit sa isang illegal activity e kailangan pong malaman ng taongbayan,” pahayag ni Densing sa panayam ng DWIZ882. VERLIN RUIZ
Comments are closed.