TAGA-TONDO, TODO SUPORTA SA MGA AKSIYON NI SEN. POE

GRACE POE-1

SA unang araw ng pa­ngangampanya ni Senadora Grace Poe, pinili niya ang Tondo sa Maynila bilang opisyal na pook ng kanyang proclamation rally noong nakaraang Miyerkoles sa tangka niyang muling makapaglingkod sa Senado sa ikalawang termino.

Kasama ang mga kapwa reeleksiyonista, inilatag ni Poe ang kanyang plataporma at mga batas na naisakatuparan dulot ng kanyang matapat na paglilingkod sa taong bayan.

“Muli kong inaalay ang aking sarili para maglingkod sa inyo sa Senado dahil marami tayong nasimulan na gusto nating ipagpatuloy,” pahayag ni Poe sa harap ng libo-libong taga-Tondo na dumumog sa kanilang proclamation rally.

Inihalimbawa pa ng senadora ang kanyang marubdob na paglilingkod sa mga aral na itinuro ng kanyang yumaong ama at Hari ng Pelikulang Pilipino na si Fernando Poe Jr.

“Sa pelikula ni FPJ, kapag napasadahan na ng suntok ang mga siga at sanggano, kapag namatay na ang kontrabida, tapos na ang sine. Sa ating bansa, hindi pa nauubos ang mga magnanakaw, ang mga nagsasamantala, ang mga nakanganga at manhid sa paghihirap ng kapwa. Hindi pa tapos ang laban,” ani Poe na consistent Number 1 sa mga election survey na lumalabas.

Hiniling din ni Poe na muli siyang pagbigyan ng masang Filipino upang maipagpatuloy niya ang mga nasimulang pakikibaka para sa kaunlaran at ikabubuti ng buong sambayanan.

“Hinihingi ko ang inyong suporta para sa ikalawang termino natin sa Senado para tapusin ang ating mga nasi­mulan, para ituloy ang aksiyon para sa kapakanan ng mga kabataan, kababaihan, mga mananakay at karaniwang konsyumer. Ako po si Grace Poe, at tuloy Poe ang aksiyon sa Senado para makapaglingkod sa inyo,” pagwawakas ni Poe.

Inendorso na ni Senate President Vicente “Tito” Sotto III at ng mga kaalyadong reeleksiyonistang senador na sina Aquilino “Koko” Pimentel III ng ruling PDP-Laban,  Cynthia Villar ng Nacionalista Party, Maria Lourdes “Nancy” Binay ng United Nationalist Alliance, Joseph Victor “JV” Ejercito ng Nationalist People’s Coalition, at Juan Edgardo “Sonny” Angara ng Laban ng Demokratikong Pilipino ang kandidatura ni Poe para maipagpatuloy ng senador ang mga aksiyon nito sa Senado.

Nitong Sabado ng gabi, inendorso rin ni Cong. Vilma Santos, Sen. Ralph Recto at Batangas Gov. Dodo Mandanas ang kandidatura ni Poe at ng mga kaalaydo nito sa buong Batangas.

Comments are closed.