SI Cardinal Luis Antonio Tagle ang inaasahang mangunguna sa Simbang Gabi na idaraos sa Basilica di Santa Maria Maggiore sa Roma sa Disyembre 20.
Nabatid na si Tagle ang magiging kauna-unahang Filipino cardinal na magdiriwang ng tradisyunal na banal na misa sa naturang ancient city.
Kaugnay nito, dahil naman sa kasalukuyang COVID-19 restrictions sa Italya, inaasahang limitado lamang ang bilang ng mga mananampalataya na papayagang dumalo sa banal na misa na sisimulan ganap na 3:30 ng hapon.
Ayon kay Sentro Pilipino Chaplaincy priest, Fr. Ricky Gente, una nang pumayag si Pope Francis na magdaos ng Simbang Gabi sa St. Peter’s Basilica, Vatican City ngunit dahil sa safety protocols, tanging 168 katao lamang ang papayagang dumalo at tatlong pari namang ang magko-concelebrate ng misa. Ito na ang ikalimang taon na ang Simbang Gabi ay idinaos sa St. Peter’s Basilica.
Mas pinili naman ng parish council ang Basilica di Santa Maria Maggiore dahil mas mahigit sa 200 churchgoers ang maaaring dumalo rito.
Para naman ma-accommodate ang mga taong nais dumalo sa misang pangungunahan ni Tagle, nabatid na bubuksan ng simbahan ang mga pintuan ng Basilica di Santa Pudenziana sa may 70 pang indibidwal, kung saan isang live feed ang ipapakita sa puting screen.
Magkakaroon din naman doon ng banal na pagkokomunyon. ANA ROSARIO HERNANDEZ
Comments are closed.