TAGLE PINAKABATA SA CARDINAL BISHOPS

Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle

Magandang balita dahil iprinomote ni Pope Francis si Cardinal Luis Antonio Tagle bilang Cardinal-Bishop, na itinuturing na pinakamataas na ranggo sa College of Cardinals ng Simbahang Katolika.

Ang promosyon ni Tagle ay naganap noon pang Abril 14, ngunit nitong Biyernes ng gabi lamang isinapubliko ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP).

Matatandaang may ilang buwan pa lamang nang bakantehin ni Tagle ang kanyang pwesto bilang arsobispo ng Archdiocese of Manila matapos siyang italaga ni Pope Francis bilang pinuno ng kongregasyon para sa Evangelization of the Peoples sa Vatican City.

Ayon sa CBCP, si Tagle, na 62 anyos pa lamang, ang magiging pinakabatang miyembro ng Cardinal Bishops at nag-iisa ring Asyano sa grupo.

Nabatid na ang mga Cardinal-Bishops ay itinatalaga sa Vatican at siyang kinokonsulta ng Santo Papa sa anumang pagkakataon, hinggil sa mga katanungan sa simbahan.

Sila rin  ang responsable sa pakikipag-ugnayan sa may 223 cardinals sa buong mundo kung kinakailangan.

Sa Cardinal bishops din pinipili ang Dean ng College of Cardinals.

Sa sandaling magkaroon ng “sede vacante” o mawalan ng santo papa ang Simbahang Katolika dahil sa pagkamatay o pagbibitiw sa posisyon, ang Dean of Cardinals ang siyang nagpapatawag at namumuno sa conclave upang maghalal o magluklok ng bagong santo papa.

Nabatid na si Benedict XVI, na pinalitan sa puwesto ni Pope Francis nang magbitiw ito bilang Supreme Pontiff, ay dati ring  Cardinal-Bishop at naging Dean ng College of Cardinals bago tuluyang  naging Santo Papa. ANA ROSARIO HERNANDEZ