TAGLE SA KABATAAN: HUWAG MAGPADALA SA CONSUMERISM

Tagle

HINIKAYAT ni Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle ang mga kabataan na huwag magpadala sa konsumerismo o yaong mga idinidikta ng mundo.

Ang panawagan ay ginawa ni Tagle sa kanyang pagninilay sa pina­ngunahang banal na misa ng kapistahan ng Mahal na Poon ng Santo Sepulcro sa San Fernando De Dilao, Paco, Manila.

Ayon kay Tagle, hindi dapat madaig ang mga kabataan ng udyok ng ‘consumerism’ o nang idinidikta ng kanilang kapwa na maganda base sa pamantayan ng lipunan.

Paliwanag niya, sa pagsunod sa dikta ng lipunan ay itinataas ng tao ang kanyang sarili upang mapantayan ang mataas na antas ng kapwa.

Ipinaalala rin ng Kardinal sa mga kabataan na dapat tularan si Hesus sa Santo Sepulcro na ibi­naba ang Kaniyang sarili kaya naman ito ay itinaas ng Panginoon.

“Mga kabataan alam ko kayo ay parang lagi nalang binobomba ng napakaraming kaisipan at mga advertisement kung papano maging glorious. Ang daming pressure na kailangan successful, competitive. Ang mundo natin ngayon pinipilit, ito ang tama ganito ka dapat. Huwag kayong magpapa pressure sa sinasabi ng consumerist world, sa sinasabi ng mga bully,” anang Cardinal.

Pinayuhanan din niya ang mga kabataan na maging tulad din ni Hesus na naglilingkod, at nag-aalay ng kaniyang saliri sa pamamagitan ng mga talento, para sa kabutihan ng iba.

Nanawagan din siya sa mga nakatatanda at sa mga magulang na gaba­yan tungo sa mabuting landas at huwag ipaha­mak ang mga kabataan.

Aniya, dapat na protektahan, mahalin, at gabayan ang mga kabataan upang hindi mapahamak ang mga ito.

“Maraming kabataan ang parang nahahatulan sa kapahamakan sa mundo natin ngayon. Sa taon ng kabataan nakikiusap ako lalo na sa mga magulang, mga pamilya, hindi ipapahamak ang sari­ling dugo. Nakalulungkot na majority ng cases ng pagpapahamak ng mga bata ay pamilya ang gu­magawa. Tingnan natin si Kristo sa Santo Sepulcro wala Siyang ipinahamak kahit na Siya ang napahamak,” anang Cardinal. ANA ROSARIO HERNANDEZ

Comments are closed.