NAGLABAS na ng pahayag ang pamahalaang lungsod ng Taguig kaugnay sa isa sa mga konsehal nito na nahuli dahil sa ilegal na droga.
Sa isang statement, sinabi ng lokal na pamahalaan ng Taguig na hayaan na lamang gumulong ang batas sa kaso ng konsehal na nahuli dahil umano sa drug possession at theft.
“Hindi namin kinukunsinti ang mga ganitong klase ng insidente,” saad pa ng statement ng Taguig ukol sa konsehal na nag-resign na bilang opisyal ng lungsod. “Hinahangaan din namin ang mga responsable sa naturang paghuli.”
Malaki ang tiwala ng pamunuan ng lungsod ng Taguig sa kasalukuyang gobyerno lalo na sa kampanya kontra droga sa buong bansa.
“Hayaang gumulong ang batas laban sa mga nagkasala, at inaasahan natin ang matinding pagpapatupad ng batas mula sa gobyernong seryoso sa pagsawata ng krimen at ilegal na droga,” ayon pa sa pamunuan ng Taguig City.
Nasasaad din sa statement ng lungsod na ang kampanya ng national government kontra ilegal na droga ay naging epektibo sa lungsod ng Taguig. Noong 2016, ang Taguig ay naging No. 1 sa southern Metro Manila sa kampanya ng paghuli sa mga drug peddler. Marami na ang naaresto, nakulong at nasentensyahan na mga miyembro ng sindikatong sangkot sa droga, kasama na rito ang mga nahuli sa Top 10 list ng PNP.
Sa ilalim ni Mayor Lani, pinangunahan niya ang kampanya upang matuldukan ang talamak na droga sa Taguig sanhi ng malawakang operasyon ng mga sindikato kasama na ang Tinga Drug Syndicate.
Noong 2017, isa sa mga miyembro ng Tinga Drug Syndicate na kinilalang si Elisa Tinga ang hinatulan ng habambuhay na pagkabilanggo dahil sa pagtutulak ng ilegal na droga. Si Elisa Tinga ang pampitong miyembro ng Tinga Drug Syndicate na nahuli ng awtoridad simula pa noong 1996. Siya ang asawa ni Noel Tinga na umano’y pinsan ng dating Taguig Mayor Freddie Tinga.
“Ang kaso ng naarestong konsehal ng Taguig ay nagsisilbing paalala sa lahat na ang problema sa droga ay seryoso at patuloy na nangyayari. Kaya naman patuloy ang lungsod sa pagsasagawa ng mga kampanya upang malabanan ang salot na droga,” dagdag pa ng statement ng Taguig.
“Dapat lamang na maging seryoso ang pamahalaan na sugpuin ang ilegal na droga at managot ang mga sindikatong ito sa batas,” saad ng statement.
Patuloy pa rin ang Taguig City sa pagpapalakas ng kampanya kontra droga sa pamamagitan ng malawak na Drug-Free Com-munity Program. Kasama sa programang ito ang pag-transform sa mga lulong sa paggamit ng droga upang sila ay maging maayos at produktibong miyembro ng komunidad, at ang pag-promote sa Anti-Drug Abuse Advocacy ng Taguig.
“Para naman sa mga taong nagbebenta o gumagamit pa rin ng ilegal na droga, hindi pa huli ang lahat. Hinihikayat namin kayo na sumailalim sa programa ng lungsod upang sila ay tumino bago pa man mahuli sila ng mga ahente ng batas.” PILIPINO Mirror Reportorial Team
Comments are closed.