Opisyal nang nagsimula ang Lungsod ng Taguig noong Huwebes, Agosto 31, ng house to house na pagpapamahagi ng birthday cash gift sa mahigit 270 na senior citizen na nagdiriwang ng kanilang kaarawan ngayong Agosto mula sa 10 barangay ng Embo na nasa pangangalaga nito.
Sa ilalim ng programa, tumatanggap ang mga senior citizen ng lungsod ng cash gift na mula P3,000 hanggang P10,000 depende sa edad: P3,000 para sa 60-69 anyos, P4,000 para sa 70-79, P5,000 para sa 80-89, at P10,000 para sa mga may edad na 90-99.
Kapag sila ay umabot na ng edad na 100, bibigyan sila ng P100,000 at patuloy nilang tatanggapin ang parehong halaga taon-taon hanggang sila ay nabubuhay.
Si Mayor Lani Cayetano mismo ang nag-abot ng cash gift sa mga senior citizen na naroroon sa kickoff ceremony sa Barangay Pembo. Ang iba naman ay tumanggap ng kanilang cash gift sa kanilang mga tahanan na dinala mismo ng mga barangay workers ng Taguig.
Si Guillermo Perez Jr., 72 taong gulang mula sa Barangay South Cembo, ay nagpahayag ng pasasalamat sa Lungsod ng Taguig para sa cash gift at house-to-house distribution.
“Napakaganda po na dinadala niyo sa amin sa bahay ang aming cash gift. Maraming salamat po,” sabi ni Perez habang tinanggap ang kanyang P4,000 na cash gift noong Huwebes.
Para kay Adela Miranda, 86 taong gulang mula sa Barangay Post Proper Southside, ito ang unang pagkakataon niyang tumanggap ng cash gift para sa kanyang kaarawan.
“Maraming salamat po at ngayon may natanggap na ako sa aking kaarawan. Ibibili ko po ito ng bigas at pang-ulam namin,” masayang sinabi ni Miranda sa mga tauhan ng barangay na nag-abot sa kanya ng P5,000 na cash gift.
Kahit pa nahirapan ang lungsod sa pagkuhang database ng mga senior citizen, nagawang matukoy ng Taguig ang unang listahan ng 271 na senior citizen sa tulong ng mga lider ng komunidad sa mga Embo barangay. Ito ay na-verify gamit ang listahan ng mga benepisyaryo ng social pension mula sa nasabing barangay.
“Kahit po mano mano ang pagkalap ng ating datos, hindi na namin ipinagpabukas ang pagkakaloob ng birthday cash gift sa ating mga senior citizen,” sabi ni Mayor Lani sa kanyang mensahe sa mga senior mula sa mga barangay ng Embo.
Nagbukas din ang Taguig ng isang one-stop shop volunteer center sa Sampaguita Street sa Barangay Pembo kung saan ang mga hindi kasama sa unang listahan ng benepisyaryong senior citizen ay maaaring pumunta para mailista at ma-verify para sa kanilang birthday cash gift.
Kung hindi makapunta ang mga residente sa volunteer center, maari rin nilang tawagan ang mga hotline na ito para sa mga katanungan: 0966-170-3025, 0926-661-2230, at 0926-661-2234 para sa mga Globe users; at 0962-057-9590, at 0950-356-1320 para sa mga Smart users.