TINATAWANAN niya noon ang panghihimok ng kanyang kaibigan na mag-enroll siya sa Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) dahil graduate siya ng college, ngayon, sobrang proud siya sa mga natamong achievements na dala ng kanyang technical vocational (tech-voc) course.
Pag-amin ito ni Raul H. Arenas, 35, “Barbie” ang tawag sa kanya ng mga kaibigan at kasamahan sa trabaho, taga-Dagupan, Pangasinan, isang free-lance make-up artist , titser, tech-voc trainer at assessor. Siya ay graduate ng Bachelor of Science in Commerce Major in Management noong 2005.
“The Star Maker” din ang taguri sa kanya dahil sa husay nito sa pagme-make up at fighter dahil hindi siya sumusuko sa anumang hamon sa buhay.
Pagka-graduate ay nagtrabaho siya bilang call center agent at Physical Education (PE) teacher sa isang private institution, subalit hindi sapat ang kanyang kinikita para makatulong siya ng husto sa kanyang pamilya.
Dahil sa galing nito sa pagme-make, pinayuhan siya ng kanyang kaibigan na mag-enroll sa TESDA para magkaroon siyang ng proper training.
“Bakit naman ako papasok sa TESDA, eh, graduate ako ng college?” tila pangangatyaw umano na tanong ni Raul.
Sa pangungulit at paliwanag ng kanyang kaibigan na may-ari ng Maxima Technical and Skillls Training Institute, Inc. (MTSTII) at boss niya sa kasalukuyan, nag-enroll siya sa nasabing school at ang unang kinuhang kuwalipikasyon ay Food and Beverage Services NC ll noong 2011 at sinundan ng Beauty Care Services NC ll.
“Malaki talaga ang nabago at naitulong ng tech-voc sa buhay ko, dahil lalo akong nakilala, maraming nagbukas na mga oportunidad, walang gender discrimination basta marunong at alam mo ang iyong skills,” ayon kay Raul.
Lalong na-improve ang kanyang skills at knowledge. Kaya malaking karangalan para sa kanya na mapili bilang coach para sa mga competitor sa Beauty Therapy sa mga provincial, regional, zonal competitions at higit sa lahat sa ibang bansa gaya ng Association of Southeast Asia Nations (ASEAN) Skills Competitions.
Una siyang napisil bilang coach noong 2015 ASEAN Skills Competition subalit hanggang regional level lamang ito matapos tanggalin ang Beauty Therapy sa nasabing kompetisyon.
Muli siyang napili bilang coach sa nasabing skills noong 2018 ASEAN Skills Competition sa Bangkok, Thailand simula noong Agosto 31-Setyembre 2.
Maliban dito, natutulungan na niya ang kanyang pamilya lalo na ang kanyang nanay, pagpapaaral sa kanyang mga pamangkin, nakabili ng 2 motorsiklo at may ipon sa bangko.
Sa kasalukuyan ay head trainer siya sa MTSTII at assessor ng Health and Wellness Sector, Beauty Care NC ll, Beauty Care Services (Nail) NC ll, Hairdressing NC ll-lll, at Toursim Sector gaya ng Housekeeping NC ll-Ill at Food and Beverage Services NC ll.
Ang MTSTII ay isang training center na may mga TESDA-registered programs at Accredited Assessment Center na matatagpuan sa Dagupan, Pangasinan.
Sa hangarin nito na mapalawak ang kanyang kaalaman at kasanayan na kanyang magagamit sa kanyang pagtuturo at hanapbuhay, kumuha pa ito ng ibang tech-voc courses partikular sa sector ng Beauty Care at Tourism.
Sa ngayon, holder si Raul ng 12 National Certificate na kinabibilangan ng Beauty Care NC lll, Food and Beverage Services NC lll, Hairdressing NC ll-lll, Housekeeping NC lll-ll, Beauty Care NC ll, Beauty Care Services (Nail) NC ll, Food and Beverage Services NC ll, Hilot (Wellness Massage) NC ll, Massage Therapy NC ll at Tourism Promotion.
Holder din siya ng Training Methodology Certification Level l.
Ang success story ni Raul ay naging entry ng TESDA Region l para sa search ng 2018 Idols ng TESDA – Wage Category.
Bago ang nasabing tagumpay, dumanas ng hirap at mga hamon sa buhay si Raul dahil maaga silang walong magkakapatid (siya ang bunso) na maulila sa ama at walang trabaho ang kanilang ina.
Pagka-graduate ng high school noong 1998, pinakiusapan siya ng kanyang ina na huminto sa pag-aaral.
Sa halip na sumuko, naghanap ng paraan si Raul at nag-aplay ng scholarship bilang dancer ng isang dance group sa pinasukang school. Siya rin ang naging make-up artist ng grupo sa edad na 16-anyos.
Nang mag-college, naging dance choreographer ng dance group hanggang sa maka-graduate noong 2005.
“Inirerekomenda ko sa mga college graduate na kumuha sila ng tech-voc courses para madagdagan at lumawak ang kanilang kaalaman at skills na makatutulong sa kanila para makahanap sila ng mas magandang trabaho at magandang buhay,” pagwawakas ni Raul.
Comments are closed.