TAGUMPAY NG 2023 BSKE NASA TULONG NG LAHAT NG SEKTOR

NASA kolaborasyon ng lahat ng sektor ang tagumpay ng 2023 Barangay and Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) 2023.

Ito ang inihayag ni Philippine National Police (PNP) Chief General Benjamin Acorda Jr. kasabay ng panawagan sa lahat ng sektor ng lipunan, kabilang ang pamahalaan, civil society, academe, mga relihiyosong samahan, at pribadong sektor na magtulungan.

Ang panawagan ay ginawa ng PNP Chief sa regular na Monday Flag raising Ceremony sa Camp Crame kahapon ng umaga, dalawang linggo bago ang BSKE sa Oktubre 30.

Ayon sa PNP Chief, ang BSKE ang pundasyon ng demokratikong istraktura ng bansa na mahalaga para sa kaunlaran at progreso ng bansa.

Hinimok ni Acorda ang mamamayan na itaguyod ang “sense of duty”, integridad, at “fairness” sa darating na eleksyon.

Nagpahayag naman ng kumpiyansa si Acorda na sa pamamagitan ng malakas na suporta ng Department of Interior and Local Government (DILG), Department of Education (DepEd), Commission on Elections (COMELEC), Armed Forces of the Philippines (AFP), Department of Transportation (DOTr), Dept of Information and Communications Technology (DICT), Civil Society, simbahan at partner agencies ay magtatagumpay ang bansa sa pagtataguyod ng demokrasya.

Samantala, ipinaalala rin ng Commission on Elections (COMELEC) na sa Oktubre 19 hanggang 28 pa ang campaign period kaya bawal muna ang pangangampanya.

Sakaling mapatunayan na may paglabag sa omnibus election code ay mahaharap sa kaso. EUNICE CELARIO