GOOD news, mga kamasa, para sa Bayanihan Federalism o para sa pagbaklas sa unitary system of gov-ernment sa bansa.
Good news, mga kamasa, para sa tunay na tuloy-tuloy na pag-asenso ng bawat mamamayang Filipino.
Good news, mga kamasa, para sa pagsugpo sa political dynasty sa bansa.
Inanunsiyo ng Malakanyang kahapon ang pag-isyu ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte ng solusyon sa daan-daang taong pagkaalipin sa kolonyalismo.
Baka pagtakhan ninyo, mga kamasa, na anong kolonyalismo ang tinutukoy ko samantalang matagal nang nakalaya ang bansa mula sa bansang Espanya. Ang sagot, mga kamasa, ay nasa mga palad ninyo, nasusulat diyan na kahit pa nga matagal na nating napatalsik ang mga Kastila ay nanatili tayong nasa ilalim ng kolonyalismo, ngayon nga lamang, imbes na tawaging nasa ilalim tayo ng korona ng kaharian ng Espanya, ay nasa ilalim tayo ng kontrol ng kanilang mga tagapagmana sa pang-aalipin sa mga Filipino: ang oligarkiya.
Ang oligarkiya, bagaman sarili nating mga kababayan ‘yan ay minana ang pagkaganid at mentalidad na ang populasyon ng mga Filipino ay mga ‘Indio’ at nararapat lamang na manatiling mga utusan o gamit nila.
Ang Bayanihan Constitution na pinangunahan ni dating Supreme Court Justice Reynato Puno ang na-sipat na panlansag sa oligarkiya.
Sinusugan naman ito ni Pangulong Duterte sa pamamagitan ng Memorandum Circular 52 na lumilikha sa interagency task force para sa public information drive na nagsusulong ng federalism at constitutional reforms.
Tunay na ang Bayanihan Federalism ay susi sa pag-asenso ng bansa at para masolusyunan ang pumapalawig na pagkakalayo ng kita ng iilan sa mga ordinaryong mamamayan.
Ito na ang sagot upang mapahina ang control ng oligarkiya sa pamahalaan at ekonomiya at upang mapaigting ang kapangyarihan ng mamamayan sa pamamagitan ng pag-eestablisa ng mga Federated Region na makatatamo ng power-sharing sa National Federal Government.
Sa ilalim ng Bayanihan Federalism ay magkakaroon ng mas malaking pondo ang mga rehiyon at hindi na makokopo ng isang naghaharing pamahalaan o unitary o centralized government. Nasa 50% na lamang kasi ang mapupunta mula sa kita ng mga Federated Region papunta sa National Federal Government at ang 50% o higit pa ay maiiwan at mapupunta na sa Federated Region upang maipantustos nito sa kani-kanilang mga programang pang-asenso.
Lalong mapalalakas ang demokrasya sa ilalim ng Bayanihan Federalism, mabubuwag na ang centralized o unitary form of government na siyang playground ng oligarkiya sa bansa, at wawasak ito sa political dynasty sa bansa kung saan ipagbabawal na hindi lamang ang sabay na pagtakbo ng magkamag-anak up to second degree of consanguinity sa lokal man o nasyunal na posisyon. Ang maaari na lamang ay isang kaanak sa lokal at maaari ang isang kaanak sa nasyunal na posisyon.
Hindi na rin maaari na matapos ang termino ng isang opisyal ay tatakbo agad pagkatapos ang isang kaanak, dahil kinakailangan nang magpalipas ng isang eleksiyon bago makatakbo ang isang kaanak para sa parehong posisyon.
Alam ba ninyo, mga kamasa, na ang kita ng 25 indibidwal sa Filipinas na pawang mga bilyonaryo ay katumbas ng pinagsama-samang kita ng 25 milyong mga Filipino?
Dapat mabago na ito, dahil hindi lamang ito bansa ng 25 na katao kundi ng higit sa 100 milyong mga Filipino.
Ang Bayanihan Federalism ay hindi agarang solusyon sa mga suliranin ng bansa ngunit simula ito ng tunay na pagbabago sa Filipinas na magpapatuloy hanggang sa mga susunod na henerasyon na mga Filipino.
Sa pamamagitan ng Memorandum Circular 52 ay mapapalawig at mas iigting ang pag-eeduka sa bawat Filipino ukol sa Bayanihan Federalism.
Ang pagsugpo sa epidemya sa droga ay unang hakbang lamang para masiguro na maganda ang kinabukasan ng bansa, ang magsisiguro nito ay isang sistema ng pamamahala na lalansag sa pagmamanipula sa masa.
Sa diwa ng bayanihan, ating isulong ang Bayanihan Federalismo Bay-Fed pa more para sa tunay na pagbabago!
Comments are closed.