TAGUMPAY NG BNAHS SA PISA 2022, BUNGA NG MGA NATATANGING PROGRAMA NG MAKATI SA EDUKASYON

MATAPOS  mapabalitang bukod-tanging public school sa Metro Manila ang Benigno Ninoy Aquino High School (BNAHS) na pumasa sa Level 2 ng 2022 Program for International Student Assessment (PISA), sinabi ni Makati Mayor Abby Binay na bunga ito ng pamumuhunan ng lungsod sa patuloy na modernisasyon ng public school system sa lungsod.

Aniya, nagkaroon ng sapat na kahandaan ang mga Grade 9 na mag-aaral ng BNAHS na lumahok sa pagsusulit dahil sa mga natatanging programa at serbisyong pang-edukasyon na ipinatutupad ng lungsod bago pa magpandemya. Libo-libong mag-aaral na ang nagkamit ng dekalidad na edukasyon mula preschool hanggang kolehiyo sa public schools ng Makati.

Matatandaang dalawang taong walang face-to-face classes dahil sa COVID-19 pandemic. Ani Mayora Abby, nailunsad ng lungsod ang Project MILES (Mathematics Intensive Learning Enhancement for Students) para sa Grade 1 hanggang Grade 10 noong School Year 2019-2020.

Nag-invest ng P31 milyon ang lungsod para sa malawakang pagpapatupad ng Project MILES sa lahat ng public schools dito kasunod ng tagumpay ng pilot launch noong 2018. Libreng nakapagsanay at nahasa ang kagalingan ng mga mag-aaral sa paksang Mathematics dahil sinagot ng lungsod ang lahat ng gastusin, kasama ang honorarium ng mahigit 700 mga guro na nagsagawa ng onsite at online sessions tuwing Sabado. Pinondohan din ng Makati ang subscription ng Math software Koobits na sikat sa Singapore, pati na ang learning materials ng mga kasaling mag-aaral na binuo mismo ng DepEd Makati sa tulong ng pondo galing sa lungsod.

Tinukoy rin ang Dyip ni Maki Project na nagsulong ng tuloy-tuloy na pag-aaral ng lahat ng mga mag-aaral sa kabila ng pandemya, kabilang ang mga walang internet access o anumang smart gadgets. Kinonvert ang mga pampasaherong jeepney upang maging mobile learning hubs na nag-iikot sa mga barangay, sakay ang mga guro, laptops na may internet, at learning materials.

Tinutukan naman ng lungsod at DepEd Makati ang pagbuo ng digital at printed learning materials na ibinigay nang libre sa mga estudyante para sa online classes at asynchronous learning sessions.
Bukod sa pagbibigay ng USB OTGs na naglalaman ng learning modules sa mga estudyante, nagbigay rin ang lungsod sa mga guro ng mga laptop at internet load upang mapadali ang pagsagawa ng online classes.

Kamakailan, ibinida ni Mayora Abby na na-convert na ng lungsod ang 50 percent ng target nitong 400 smart classrooms sa taong ito. Ang bawat modernong silid-aralan ay nilalagyan ng hybrid white board habang mabibigyan ng notebook tablet ang bawat mag-aaral, pati na unlimited internet access habang nagkaklase.

Ang PISA ay sumusukat sa kaalaman at kagalingan ng mga 15-taong gulang na estudyante (Grade 9) sa mathematics, reading at science.

Noong February 2023, nag-top ang Makati sa regional Test of Functional Academic Skills (TOFAS) na isinagawa ng DepEd.

Patuloy ring nakakakuha ang Makati public schools ng mataas na ranking sa National Achievement Test (NAT).

Ngayong taon, naglaan ang lungsod ng P3.25 billion mula sa general fund para sa education sub-sector. Sakop nito ang mga programa at proyekto sa ilalim ng DepEd Makati, operations ng University of Makati, at mga inisyatibang ipanatutupad ng city Education Department at Museum and Cultural Affairs Office.

Mayroon ding P1.89-billion na Special Education Fund na laan sa libreng school uniforms at supplies na ibinibigay mula preschool hanggang senior high school, at sa students’ competency enhancement programs.