TAGUMPAY NG DRUG WAR

MASAlamin

ANG SINASABI ng mga kritiko na lalong bumabaha ang shabu sa bansa ay maling pagtingin. Nahuhuli lamang po ngayon at nababalita ang laki ng volume ng mga nakukumpiskang shabu, hindi katulad noon sa mga nakaraang administrasyon na walang nahuhuli kaya wala ring nababalita.

Ito ay dahil na rin sa seryosong pagpapatupad ng administrasyon sa drug war nito na unti-unting lumalagas sa mga masamang elemento sa bansa, kasama na ang mga kriminal, pusher at drug lord.

Katunayan, sumikat ang Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa buong mundo dahil sa kanyang mahigpit na pagpapatupad ng digmaan kontra droga.

Kaya naman maaalalang na-intercept ng awtoridad ang may P6.4 bilyong halaga ng shabu shipment noon na kinasangkutan ng mga ismagler sa Bureau of Customs. Ito ay dahil na rin sa tip mula sa awtoridad ng Tsina. Dahil sa kredibilidad ng administrasyon sa pagpuksa nito ng droga sa bansa ay hindi nangingimi ang mga taga-ibang bansa na makipagtulungan sa Filipinas.

Ilang shabu laboratory na rin na nagpo-produce ng multi-bilyong pisong shabu at ecstacy ang sina­lakay at na-dismantle na ng pamahalaan.

May mga heneral, mga alkalde, iba pang lokal na mga opisyal, kasama na ang mga barangay chairman na sangkot sa droga ang tinututukan ng administrasyon, kaya naman na ang pagsasabing ang shabu epidemic sa bansa ay isang health problem lamang ay isang malaking kamalian.

Ibig sabihin, bukod sa health problem ang shabu epidemic, isa rin siyang systemic na suliranin na ang layunin ay gawing narco-country ang Filipinas.

Lahat na ay ginagawa ng international drug syndicate upang maipasok ang shabu at iba pang droga sa bansa katulad ng pagpapalutang sa karagatan na hinihinalang kagagawan ng nasabing international drug ring na nag-o-operate sa may border ng Thailand, Laos at Myanmar.

Positibo tayo na sa pagtutulungan ng lahat ng Filipino at pagsasanib-puwersa ng iba’t ibang bansa laban sa droga, at sa natamong kredibilidad ng Filipinas sa digmaan nito kontra droga, hindi mala­yong maubos ang mga nagsisilbing source ng shabu sa bansa.

Comments are closed.