HANGGANG ngayon, patuloy na nagiging hamon sa ating lipunan ang problema sa ipinagbabawal na droga.
Ito’y isang isyu na hindi lamang nagdadala ng panganib sa kalusugan ng ating mamamayan, kundi nagiging dahilan din ng pagdami ng krimen at pagguho ng mga pamilya.
Sa kabila ng mga hakbang na naipatupad ng ating pamahalaan, tila mas lumalala pa ang sitwasyon.
Isang malubhang suliranin ang patuloy na paglaganap ng ilegal na droga sa ating bansa. Hindi lamang ito nagiging sanhi ng pagkawala ng ilang kabataan sa landas ng edukasyon at disenteng buhay, kundi nagdudulot din ito ng takot at kaguluhan sa ating mga komunidad.
Parang hindi sapat ang ating mga batas at pagpapatupad ng mga ito upang mapigilan ang pag-usbong ng droga.
Ang mga sindikato ay tila mas nagiging matalino at masigla sa kanilang ilegal na gawain.
Ipinagmalaki naman ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang mga tagumpay ng pamahalaan sa laban kontra ilegal na droga, partikular sa grassroots level.
Ito ay matapos ang ulat mula sa Philippine National Police (PNP) na nakakumpiska raw ito ng mahigit sa P10.4 bilyong halaga ng droga noong 2023 habang napalaya naman ang mga barangay mula sa impluwensiya ng illegal substances.
Nasa 27,968 barangays kasi ang idineklarang ‘drug-cleared’.
Sabi nga ni PBBM: “Ang paglilinis ng mga barangay sa grassroots level ay magandang progreso, sapagkat kapag cleared na ang mga ito, mas magaan nang mamo-monitor at maayos na pamahalaan. Hindi lamang ito simpleng paglilinis, kundi pati na rin ang pagtuon natin sa rehabilitasyon, pangangalaga, at pangunahing edukasyon sa ating mga kababayan upang maiwasan ang masamang epekto ng droga. At para sa mga naapekto, buong pusong handang tulungan natin sila sa pamamagitan ng mga rehabilitation center.”
Sa pagtutok ng pamahalaan sa lokal na antas, ito ay nagtagumpay sa pakikipagtulungan ng 50 lalawigan, 1,160 bayan, at 30 lungsod sa implementasyon ng Anti-Drug Abuse Council (ADACs).
Bukod sa pagkakumpiska ng humigit-kumulang P10.4 bilyong halaga ng ilegal na droga mula Enero hanggang Disyembre 2023 at paglilinis sa mga barangay mula sa epekto ng droga, iniulat ng PNP na naaresto rin nila ang 56,495 na mga suspek sa mahigit 44,000 na anti-illegal drug operations.
Ito ay naka-angkla sa bagong pamamaraan ni Pangulong Marcos sa pagsugpo sa ilegal na droga, na nakatuon sa rehabilitasyon, reintegrasyon, at mga programa sa preventive education, lalo na para sa kabataan.
Sa pagkilala sa mga tagumpay na ito, nagiging malinaw ang layunin ng pamahalaan na patuloy na mangalaga sa kaligtasan at kinabukasan ng bawat mamamayan.
Samantala, kailangan pang pagtuunan natin ng masusing pansin ang mga paraan kung paano natin mahaharap at masusugpo nang tuluyan ang ganitong uri ng krimen.
Mahalaga ang koordinasyon at pagtutulungan ng lahat ng sektor ng lipunan, mula sa pamahalaan, pulisya, simbahan, at sambayanan.
Ang malawakang edukasyon sa mga paaralan at komunidad ay isang mahalagang hakbang upang mabawasan ang dami ng mga kabataang nagugumon sa ilegal na droga. Dapat ay maipaliwanag sa kanila ang mga panganib at epekto ng paggamit ng droga hindi lamang sa kanilang sarili kundi sa kanilang pamilya at buong lipunan.
Sa aspeto ng pagpapatupad ng batas, mahalaga rin ang pagbibigay ng sapat na pondo at suporta sa ating pulisya upang mas mapanagot ang mga taong sangkot dito.
Kailangang mahigpit na bantayan ang mga pumapasok na droga sa bansa at itaguyod ang masusing imbestigasyon at pag-aresto sa mga nasa likod ng mga sindikato.
Nakababahala ang lumalaking bilang ng mga biktima ng karahasan kaugnay ng ilegal na droga.
Kailangan din nating maging masigasig at determinado sa pagtugon sa problemang ito.
Hindi sapat ang pagsasagawa lamang ng operasyon laban sa mga drug lord at pusher kundi mahalaga rin ang pangangailangan ng preventive measures at rehabilitation programs.
Sa pagkakaisa ng buong bansa, tiyak na malalampasan natin ang hamon ng ilegal na droga at magiging isang mas matatag na lipunan para sa kinabukasan ng ating mga kabataan.