MARAMI sa atin ay susubok muling gumawa ng mga New Year’s resolutions ngayong 2022, ngunit ang ilan ay may alinlangan dahil sa mga nakaraang karanasan kung saan hindi nila ito nagagawang ipagpatuloy. Kung naglalayon kang magkaroon ng isang pang-araw-araw na kasanayan, kagaya ng pagmemeditate, pagsusulat sa iyong journal, pag-eehersisyo, pagyo-yoga, o kung ano pa mang kasanayan na nais mong gawin araw-araw ngayong taon, narito ang ilang payo.
Huwag maging masyadong istrikto sa sarili, bagkus, gawin mong kaaya-aya ang gawaing ito. Kung ikaw ay abala sa trabaho halimbawa at nakaligtaan mo ito, sumubok na lamang ulit sa susunod na araw.
Kailangan ay disiplina, ngunit mahalaga rin ang pagiging maluwag sa ating sarili kung nais nating magtagumpay sa ating layunin.
Importanteng alam natin kung bakit natin ito gustong gawin. Halimbawa, nais nating maging ugali o kasanayan ang pagtatabi ng 30 minuto para sa yoga tuwing umaga. Kailangang malinaw sa atin kung bakit natin ito nais gawin—upang maging mas kalmado, gumanda ang pakiramdam, maging payapa ang isip, makapag-libang habang gumagawa ng bagay na mabuti para sa katawan, at iba pa.
Itakda natin ang oras kung kailan natin ito gagawin. Halimbawa, para sa ehemplo sa itaas, tuwing alas-siyete ng umaga hanggang alas-siyete y media ay magyo-yoga tayo, o kaya naman ay bago mag-agahan, anumang oras ito. Ituring natin itong mahalagang appointment natin sa ating sarili. Kagaya ng pagpapahalaga natin sa pakikipagkita sa ibang tao, pahalagahan din natin ang pakikipagtagpo natin sa ating sarili sa oras na ito araw-araw.
(Itutuloy…)