(Pagpapatuloy)
NARITO ang pagpapatuloy ng aking kolum tungkol sa paggawa ng New Year’s resolutions para sa taong ito.
May ilang tips na akong naibahagi noong isang linggo kung paano magiging matagumpay ang pang-araw-araw na gawain (habit). May mga karagdagang suhestiyon pa ako para sa inyo.
Ihanda ang espasyo at mga kakailanganin. Maglaan ng lugar para sa nais mong gawin at ihanda ang mga materyales na kakailanganin mo. Halimbawa, kung nais na magkaroon ng pang-araw-araw na meditation habit, puwedeng itabi na ang mga kandila, insenso, kutson, at iba pa. Humanap din ng paraan upang makapagdagdag ng inspirasyon, kagaya ng musika, apps, at iba pa. Kung nariyan na ang lugar at gamit, mas madaling simulan ang anumang nais gawin.
Gawan ng paraan upang malagpasan ang mga hadlang o balakid. Asahan mo nang magkakaroon ng mga ito kaya kailangan mong paghandaan bago pa man ito dumating. Isipin nating kailangang magawa ang nais, anuman ang mangyari. Kailangan ng kongkretong pagpaplano upang harapin ang bawat balakid kapag ito ay dumating na.
Bigyan ng premyo ang sarili. Hindi kinakailangang malaki o magarbong bagay ito, ngunit mainam ding may inaasahan kang magandang premyo kapag nagawa mo ang iyong plano. Ito ay pagiging mabuti o pag-aalaga sa ating sarili. Nakakapagdagdag din ito ng inspirasyon at mas lalo tayong ginaganahan kung mayroon nito. Halimbawa, isang oras na break para sa pagtsa-tsaa habang nagbabasa ng paboritong libro o nanonood ng paboritong show sa Netflix ay sapat nang premyo!
Good luck sa ating mga plano para sa 2022! Nawa’y magtagumpay tayo sa ating magandang hangarin para sa sarili at kapwa.