TAHANAN NG ATLETANG PINOY

MAY magandang epekto sa lahat ng atletang Pinoy ang paghakot ng dalawang gold at dalawang bronze medals ng Pinoy Olympians, sa pangunguna ni Carlos Yulo.

Mismong si Mayor Bambol Tolentino, pangulo ng Philippine Olympic Committee, ang nagsabi na dahil sa magandang performance ng atletang Pinoy sa katatapos na Paris Olympics ay nagkaroon ng sobra-sobrang pagkilala sa kanila.

Halimbawa na lamang na sa kasaysayan ng sports ay nagkaroon ng insentibo ang mga non-medalist, gayundin ang mga coach.

Ibig sabihin, hindi lamang sina Yulo, Nesthy Petecio at Aira Villegas ang nakatikim ng milyong pisong insentibo sa pamahalaan.

Dahil noong Martes ng gabi, nang dumating mula sa France ang mga Pinoy Olympian ay binigyan sila ng heroes’ welcome sa Malacanang at mismong ang Unang Pamilya, sa pangu­nguna ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang sumalubong sa red carpet sa mga nag-uwi ng karangalan sa bansa sa larangan ng sports.

Ang mga non-medalist ay binigyan ng tig-P1 milyon habang sina Petecio at Villegas na bronze medalists ay may tig-P2 milyon.

Si Yulo na may  dalawang gold me­dals ay binigyan ng P20-M ng Pangulo bukod sa kanyang natanggap na condo, bahay at iba pang lifetime perks.

For the first time ay nabigyan din ng P500,000 ang coach ng mga nagwa­ging atleta.

Ngayon naman, dahil sa magandang performance ng Pinoy Olympians, naniniwala ang POC na maaaring pagbigyan ang kanilang hirit na magkaroon ng sariling tahanan ang atletang Pinoy, pagkakaroon ng training camp dahil sa kasalukuyan ay nakikisilong lamang sila sa Department of Education.