Take-out noche nuena mas praktikal

BAKIT mo pahihirapan ang sarili mo kung meron namang mas praktikal  na pamamaraan? Bakit ka magluluto kung pwede namang mag-order na lang? Minsan, mas mura pang bumili kesa magluto, lalo pa at apat lang naman kayo sa bahay.

Halimbawa, ngayong Noche Buena, nagkataong may trabaho ka. E sino ang magluluto? Ano yon, huwag na lang mag-noche Buena? Madalas ka­sing mang­yari yan sa pamilya namin kaya na­ging mas praktikal kami. Kadalasan, hot chocolate lang ang niluluto namin at halos lahat na ay bibilhin na lamang sa palengke o ioorder sa mga restaurants o fastfood.

Halimbawa, gusto ninyo ng litson manok, e di bumili sa Andok’s. Magsaing ka na lang sa rice cooker para may kanin. Bili ka na rin ng 1.5 liters na Coke o kaya naman, magtimpla ng Tang para sa juice. Kung gusto nyo ng vegetables at noodles, meron sa Chao King. Kumpleto na yon, pati siopao. Bumili ka na rin ng siomai sa tindero sa kanto at ng barbecue sa kapitbahay mo. Pwede rin ang kwek-kwek, may libre pang sawsawang may pipino.

Kung sosy ka naman, e di mag-order ng kare-kare sa Aristocrat at cake sa Goldilocks’. Pero kami, mas gusto namin ang biko at sapin-sapin na binili sa palengke ng Guadalupe, saka leche flan na P50 ang isang llanera, at ube na nasa bote, plus isang gallon ng ice cream na rocky road.

Kung nagtitipid naman, pwede na ang buy one take one pizza ng Lot’s-a-Pizza na may kasamang 1.5 liters ng Coke. Talo-talo na yon.

Suggestion lang po naman ito. Syempre, mas masarap pa rin ang luto ni Nanay, pero kung hindi nga pwede, wala namang makakapigil sa Pasko kaya kahit busy tayo, isisingit at isisingit pa rin natin ang tradisyon ng Noche Buena. Kayo, ano ang Noche Buena ninyo? — SHANIA KATRINA MARTIN