Tapos na ang Valentine’s day… pero hindi pa tapos ang pila sa mga biglang-liko at tagong silid na malalamig. For sure alam ninyo ‘yan! May kasabihan nga raw na ang February 14th ay para sa legal na iniibig, ngunit ang February 15th hanggang katapusan ng buwan ay para sa “ligaw” na pag-ibig?
Truthfully, ang Pebrero at Disyembre ay mga buwan na hindi lang kasiyahan, kundi buwan rin ng mga sawi, labis na kalungkutan, na minsan ay malagim ang kahihinatnan.
Ayon sa mga siyentipikong pag-aaral, ang pagiging “broken hearted” ay maaaring matuloy sa atake sa puso. Sa Japan ito ay tinatawag na Takotsubo Syndrome. Ano nga ba ito?
BROKEN HEARTEDNESS
Hindi lamang celebrities ang dumaraan sa alitan, hiwalayan, pagpapalitan ng asawa at minsa’y demandahan.
Baka nga mas madalas pa itong nangyayari sa mga ordinaryong tao. Hindi totoong kumokopya tayo sa mga napapanood natin sa pelikula.
Actually ang mga pelikula ang kumokopya at nagsasalamin ng tunay na pangyayari sa buhay. Buhay na puno ng pighati at stress.
Mabuti na lamang at naturingang masayahin ang mga Filipino, despite all the hardships we have in life.
Andiyan ang mabagyo at inanod o gumuho ang ating bahay. Andiyan ang mga misis na nagpapakahirap mamasukan abroad para lang makapagpadala ng pera, ngunit ang mister ay sumasakabilang-bahay pala. Nariyan ang mga anak na iginagapang ng magulang ang pag-aaral, na ‘yun pala’y ginugugol ang oras sa mga rally na walang kuwenta o sa droga.
Siguro kaya mabenta ang karaoke sa atin. Doon natin ibinubuhos ang mga gustong iluha. Ngunit may mga pagkakataon na ito’y senyales ng pusong handa nang bumigay.
ANG TAKOTSUBO
Ang weird ng pangalan ano? Una akala ko ito ay mahalay. Pangalawa akala ko ay ‘takot na isubo’ ang kung ano. Ito pala ay isang uri ng cardiomyopathy, o problema sa puso dahil sa sobrang stress. Ito ay pinangalanan sa Japan noong 1990’s dahil sa mga kabataang inaatake matapos ang mabigat na problema.
Ang mga kabataang ito ay walang altapresyon, ibang karamdaman o sintomas ng dati’y may sakit sa puso. Sa x-ray nila ay nakikita ang paglaki at pagbabago ng hugis ng kaliwang bahagi ng puso or left ventricle.
Nahahawig ito sa isang tapayan na ginagamit na panghuli ng pusit sa Japan.
Marami ang espekulasyon kung bakit ang isang dating malusog at matipuno ang katawan ay bigla na lang aatakihin at titimbuwang sa daan.
Narito ang ilang proposed hypothesis:
- Transient vasospasm – panandaliang nagsasara ng mga ugat na nagsu-supply ng dugo sa muscles ng puso. Kung wala nga namang dadaloy na dugo ay wala ring oxygen supply.
- Microvascular dysfunction – ito ay pagkasira naman ng mga ugat o coronary arteries kaya nababawasan ang daloy ng dugo sa puso.
- Mid-ventricular obstruction – pagbabara at paglobo sa gitnang bahagi ng puso kung saan marami ang importanteng heart muscles.
- Catecholamine induced injury – sobra-sobrang adrenaline na siyang nagpapabilis ng tibok at pumapagod sa puso hanggang sa ito ay bumigay.
Sinasabing hindi iisa ang dahilan kundi maaaring sabay-sabay na nagsimula dahil sa sobrang stress at dalamhati. Ang resulta ng cardiomyopathy ay acute heart failure (pagtigil ng tibok), ventricular arrhythmias (abnormal na tibok), at ventricular rupture (pagkaputol ng mga heart muscles), pagbagsak ng blood pressure at circulatory shock.
MGA DAPAT GAWIN
Hindi ito dapat balewalain lalo na kung may nararamdamang paninikip ng dibdib, hirap sa paghinga, pagkaliyo at panghihina. Nangyayari ito sa mga nagdadala ng mabigat na problema, lalo na sa mga bata pa. Hindi rin po ito pag-iinarte o pagpapapansin lamang upang makakuha ng atensiyon o awa.
Una kailangan ang evaluation mula sa isang doktor. Ipagagawa sa biktima ang blood tests, ECG, Xrays at iba pang cardiac diagnostic examinations.
Bibigyan siya ng medisina na pampababa ng presyon kung ito ay mataas, intravenous fluids kung kailangan, pampalabnaw kung malapot ang dugo, gamot na pampatibok kung nanghihina ang puso at CPR kung tuluyang huminto ang puso.
Sa mga makaliligtas ay maaaring i-refer ang pasyente sa isang Psychologist upang turuan siyang magdala at humarap sa problema.
Gayundin ay ipinapayong lumapit siya sa isang spiritual counselor upang buksan ang kaniyang isipan sa halaga ng buhay na kaloob ng Diyos.
*Quotes
oOo
Salamat po sa pagsubaybay sa ating artikulo tuwing Lunes. Para sa mga dagdag ninyong katanungan, maaari po kayong makinig sa DWIZ 882 khz every Sunday at 11am sa programang Kalusugang Ka-BILIB or text sa (0999) 414 5144 or visit our Facebook account: lebien medical wellness. God bless dear readers!
Comments are closed.