TALAMAK NA MGA TEXT SCAM DAPAT SOLUSYONAN

ILANG buwan na ang nakaraan nang maging usapan ang tungkol sa mga text message mula sa mga hindi kilalang numero na natatanggap ng karamihan sa atin araw-araw.

Iba’t iba ang laman ng mensahe, mayroong nag-aalok ng trabaho at ng oportunidad para sa pamumuhunan. Ang ilan ay mensaheng nagsasabi na ang nakatanggap ay nanalo sa raffle, may napanalunang reward mula sa isang sikat na brand ng kompanya, at mayroon ding nagpapanggap na ahente ng bangko na nagsasabing na-kompromiso ang seguridad ng account ng customer. Samu’t saring modus ang ginagamit ng mga scammer na ito, makapanloko lamang ng kapwa.

Noong una, napakadaling ipagsawalang-bahala ang mga mensaheng ito. Subalit, tila desperado ang mga taong nasa likod ng naturang talamak na mga text scam dahil nagawa ng mga ito na malaman at maisama ang pangalan ng taong makatatanggap ng mensahe. Kadalasan, pinalalabas pa na ang mensahe ay galing sa isang sikat na kompanya. Bunsod nito, hindi kataka-takang mayroong mga napapaniwala at kinalaunan ay naloloko. Maging ang mga sikat na personalidad ay hindi nakaligtas sa mga scammer na ito.

Mula noong una akong makatanggap ng text scam na naglalaman ng aking pangalan, ako ay lubos na napaisip kung paano ito naging posible. Batay sa paliwanag ng Philippine National Police Anti-Cybercrime Group (PNP-ACG), may mga paraan kung paano malaman ang personal na detalye gaya ng pangalan ng mga pinadadalhan ng text scam. Meron aniyang tinatawag na dark web kung saan talamak ang bentahan ng mga mobile number kasama ang ilang personal na impormasyon para sa mga ilegal na aktibidad gaya ng panloloko.

Bukod pa rito, ayon sa PNP-ACG, maaaring hinuhulaan lamang ang mga numero at sa tulong ng mga online messaging app gaya ng Viber, nalalaman ang pangalan ng gumagamit ng naturang numero dahil kung ang numero ay mayroong katumbas na viber account, lilitaw ang pangalan nito sa app.

Sa aking personal na palagay, maaaring ang impormasyon ay nakuha rin sa mga contact tracing form. Kaduda-duda rin kasi ang timing dahil kung kailan kinailangan ng karamihan sa atin na isumite ang mga detalye gaya ng pangalan at contact number para sa contact tracing, saka naging talamak ang mga ganitong text scam.

Nagpaalala naman ang PNP-ACG na huwag maniwala basta-basta sa mga natatanggap na mensahe kahit may pangalan pa ang mga ito. Nakipag-ugnayan din ang PNP sa National Privacy Commission (NPC) at iba’t ibang kompanya ng telekomunikasyon upang matugunan ang nasabing isyu habang tumatakbo ang imbestigasyon ukol dito.

Nakalulungkot na sa kabila ng paalala ng mga awtoridad, nasa milyon-milyong halaga na ang nakuha ng mga scammer na ito mula sa mga taong naniwala sa mga spam message na kanilang natanggap. Bilang tugon naman, tila sinasabayan ng National Telecommunications Commission (NTC) ang dalas ng mensahe ng mga scammer dahil halos araw-araw din itong nagpapadala ng mensaheng nagpapaalala na huwag maniwala sa mga natatanggap na text. Nakalakip din sa naturang mensahe ang link at hotline number kung saan maaaring i-report ang mga ito.

Ang mga kompanya naman ng telekomunikasyon ay nagsagawa ng sarili nilang mga inisyatiba upang labanan ang talamak na mga text scam. Nakipag-ugnayan din ang mga ito sa NPC at NTC upang mas mapaigting ang pagbibigay ng proteksyon sa data privacy ng mga customer nito.

Siniguro naman ng mga kompanya ng telekomunikasyon na nananatiling protektado ang impormasyon ng mga subscriber nito. Pinatotohanan naman ito ng NPC dahil batay sa inisyal na imbestigasyon nito, galing sa mga phone to phone na transmission ang mga mensahe, nangangahulugan na hindi sa datos ng mga kompanya galing ang detalyeng ginagamit ng mga scammer. Aktibo rin ang kompanya sa pag-block o pagharang ng mga mensaheng natutukoy bilang spam upang hindi na ito matanggap ng mga customer. Tinatrabaho rin ng mga kompanya ang pag-block sa mga sim card na pinanggagalingan ng mga naturang mensahe.

Magandang balita naman na malapit nang ipatupad ang Sim Card Registration Act na naglalayong supilin ang mga scammer sa kanilang ilegal na gawain. Sa ilalim ng nasabing batas, ang mga taong mayroong sim card ay kinakailangang i-rehistro ang kanilang numero sa kompanya ng telekomunikasyon na naghahatid ng serbisyo rito. Ang mga bagong sim card naman na bibilhin pa lamang ay kakailanganing i-rehistro sa kompanya o sa tindahang nagbenta nito. Bahagi ng proseso sa pag-rehistro ang pagsumite ng valid ID ng taong bumili ng sim card. Sa ganitong paraan, hindi na basta-basta makapanloloko ang mga scammer. Inaasahang ipatutupad ang nasabing batas bago matapos ang taong 2022.

Nawa’y paigtingin pa ng pamahalaan at ng mga kompanya ng telekomunikasyon ang kampanya laban sa mga text scam dahil bagaman mayroon na silang mga inilunsad na inisyatiba, mayroon pa ring mga mensaheng lumulusot at nakararating sa mga konsyumer. Sa hirap ng buhay ngayon, hindi rin masisisi na may ilang naniniwala at nabubulag sa mga scam kaya’t dapat ding gawing mas agresibo ang information campaign laban dito.