HINIKAYAT ng Department of Interior and Local Government (DILG) ang publiko na maghain ng reklamo at sapat na katibayan na magtuturo sa mga sangkot sa vote buying .
Ayon kay Interior and Local Government Secretary Eduardo M. Año, dapat higpitan ng mga awtoridad ang pagbabantay sa anumang uri ng vote-buying at pinakaimportante na kapag magpapadala ng report ang concerned citizens ay sana kumpleto na.
Kaugnay nito, kumilos ang samahang Nagkakaisang Mamamayan ng Novaliches kung saan umaabot na sa 290 counts ng vote-buying ang isinampa laban sa congressional candidate na si Rose Lin kung saan nagpapatuloy ang talamak na bilihan ng boto sa District 5, Quezon City sa kabila ng umuusad nang imbestigasyon sa Commission on Elections (Comelec) laban sa akusado.
Sa sinumpaang salaysay ng mga complainant na binubuo ng mga indibidwal sa ilalim ng samahang Nagkakaisang Mamamayan ng Novaliches, itinatago ng kampo ni Lin sa katagang ‘ayuda’ at ‘scholarship’ ang pamimili ng boto.
“Nabatid pa na ang mga kapwa naming Novaleño ay binibigyan umano ni Rose Nono Lin ng P500 hanggang P1000 at P 300 ‘simula last year’ sa mga TODA drivers at ng pera sa anak ng mga botante bilang ‘financial assistance.’” ayon sa kanila.
Nadagdagan pa umano ngayon ang modus ng malawakang vote-buying kung saan sa mga bahay-bahay na umano ng mga tinaguriang lider ni Lin nagaganap ang bayaran.
Kasama sa mga inihabla ang siyam pang “kasabwat” ni Lin. Ang iba sa kanila ay mga nakaluklok na barangay kagawad ng Distrito 5 na inaakusahang pumapayag gawing kuta, lungga o kubol ang kanilang mga bahay sa pagbibili ng boto.
Nauna nang nagpahayag si Commissioner George Erwin Garcia na agad nitong ipapa-subpoena ang mga nasasakdal para masimulan na ang pormal na imbestigasyon. Ayon kay Garcia, magsisilbing babala ang kasong isinampa kay Lin sa iba pang magtatangkang bumili ng boto.
Nagbaba naman ng marching order si Justice Secretary Menardo Guevarra sa mga field at regional officer ng National Bureau of Investigation na i-monitor ang mga pagtitipon na patawag ng local candidates para mahuli sa akto ang mga bumibili ng boto.
Matatandaan na nauna nang napabalita ang isang senior citizen na isinugod sa ospital na kinalaunan ay sumakabilang buhay dahil sa kanyang pag-pila sa vote-buying ni Lin sa halagang limandaang piso.
EVELYN GARCIA