PASAY CITY – ARESTADO ang isang dalaga na nagpakilalang talent manager at ang kasabwat naman nito na isang call center agent na pinaghahanap ng pusliya matapos umano nilang dukutin ang isang grade 9 student na pinangakuan nilang gagawing artista at pasisikatin.
Nasa custody ngayon ng Pasay City Police ang suspek na si Princess Anica Rosales, 24, nakatira sa #901 Quezon St., Brgy. Cuyab, San Pedro, Laguna habang ang kasabwat naman nito na nakilalang si Ryan Tam at residente ng Caloocan City ay pinaghahanap na ng pulisya.
Ayon sa report na natanggap ng hepe ng Pasay City Police na si Police Sr. Supt. Noel Flores, base sa salaysay ng biktima na isang 15-anyos, bandang alas-6:30 ng gabi noong Setyembre 10 (Lunes), kasama ang kanyang mga kaeskuwela habang gumagawa sila ng school project sa Gerry’s Grill, Mall of Asia (MOA), Pasay City, ay lumapit sa kanila sina Rosales at Tam at nagpakilala ang mga ito bilang talent manager.
Ayon sa biktima, sila ay pinakain ng mga suspek at binigyan ng papel kung saan nakalagay ang mga dapat nilang gawin para masubukan ang kanilang talent.
Dagdag pa ng biktima na matapos silang kumain, siya ay isinasama ni Tam at isinakay sa isang taxi habang ang walong kaklase ni Lovely ay naiwan kay Rosales.
Kuwento pa ng biktima, nagtungo sila sa isang computer shop at matapos ay sumakay naman ng bus papuntang Cubao at habang nasa loob sila ng pampasaherong behikulo hinalik-halikan ng suspek ang dalagita.
Pagbaba aniya nila sa Cubao ay muli silang sumakay ng taxi patungo naman sa isang subdivision sa Antipolo City at tinanong umano ng suspek sa biktima kung ito ay papayag na mag-check-in sila para makita ang kanyang katawan.
Hindi pumayag ang biktima at nakiusap ito sa suspek na si Tam na ibalik siya sa kanyang mga kaeskuwela o kaya pauwiin na lang ito sa kanyang bahay.
Pinangakuan ang biktima na gagawin itong artista at pasisikatin ngunit giniit ng dalagita na hindi siya pumapayag sa gusto nito.
Kung kaya’t muling sumakay ng taxi ang suspek kasama ng biktima at ibinalik ito sa kanyang mga kaeskuwela sa MOA.
Umiyak sa tuwa ang biktima nang makabalik siya sa kanyang mga kaeskuwela at ilang saglit ay biglang nawala ang mga suspek dahilan upang magsumbong ang dalagita sa mga pulis at sa isang follow-up operation ay nadakip ang suspect na si Rosales at nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 7610 o Child Abuse Law. MARIVIC FERNANDEZ
Comments are closed.