MAY kanya-kanyang talento ang bawat indibiduwal. Wala naman yatang taong walang angking galing o talento. Bawat isa sa atin may kanya-kanyang kalakasan. Kanya-kanyang talento na ginagamit para sa ikauunlad ng sarili at upang makatulong sa marami, lalong-lalo na sa pamilya.
Ang iba sa atin, alam na alam na nila kung saan sila magaling.
Pero may ilan na hindi pa nila matukoy kung anong talento ang mayroon sila.
Kaya naman, sa mga indibiduwal diyan na tila hindi mawari kung ano ang talentong kanilang taglay, narito ang ilang tips na makatutulong sa inyo sa pagtuklas ng inyong hilig:
SURIIN ANG SARILI
Oo nga’t may mga taong talaga namang nahihirapang malaman kung anong talento ang mayroon sila.
Kahit na anong gawin nilang halukay sa kanilang isipan ay hindi nila mawari kung saan nga ba sila magaling.
Unang-una sa kailangang gawin ay ang pagsusuri sa sarili nang malaman kung ano nga bang talento ang nagkukubli sa iyong kabuuan o pagkatao.
Oo, hindi naman agad-agad nalalaman kung saan tayo magaling o kung anong talento ang mayroon tayo. Kung minsan ay kailangan pa nating suriin ang ating sarili.
Alamin kung ano-ano ang mga hilig nating gawin. Tukuyin kung ano nga bang mga bagay ang nakapagpapangiti sa ating labi, gayundin sa ating mga puso. Sa ganitong pangyayari ay malalaman natin kung anong talento o kakayahan ang mayroon tayo.
Alamin din kung ano nga ba ang kalakasan mo, gayundin ang kahinaan.
Mainam din kung ililista ang mga kahinaan at kalakasan. Puwede mo ring pag-isipan kung paano mo mapabubuti ang mga kahinaan mo.
O kaya naman, lalong gamitin ang kalakasan para sa ikauunlad ng iyong talento at sarili.
LUMABAS SA COMFORT ZONE
Marami sa atin ang ayaw na ayaw ng pagbabago. May mga pagkakataong kahit na tamad na tamad na tayo sa nakaugalian o ginagawa, hinahayaan na lang natin. May iba rin sa atin na kung ano lang ang puwedeng gawin, iyon ang ginagawa.
Pero mas mapabubuti natin ang ating mga sarili gayundin ang ating kinabukasan kung ang ginagawa natin ay karugtong ng ating mga puso. Kumbaga, mahal natin o gusto natin ito.
Kaya naman, kung hindi mo pa mawari kung anong talento ang mayroon ka at nais mo itong matuklasan, importanteng lumabas ka sa iyong comfort zone.
Oo, maaaring sa paglabas natin sa ating comfort zone ay mahirapan tayo. Puwede rin namang hindi. Ngunit ano’t anuman ang kahinatnan sa iyong paglalakas ng loob na lumabas sa iyong nakasanayan, isipin nating para ito sa ating kabutihan. Para sa ating kinabukasan.
Tandaan din nating mas mapagbubuti natin ang ating ginagawa kung gusto natin ito. Hindi rin tayo basta-basta matitibag kung mahal ito.
Sa pagsubok din ng mga pagbabago ay malalaman natin ang hangganan ng ating kakayahan.
Malay mo, sa pamamagitan ng paglabas mo sa iyong comfort zone ay mas maging maganda ang iyong hinaharap.
SIMULAN ANG PAGSUSULAT NG JOURNAL
May ilan sa atin na nagsusulat ng journal. Bata pa lamang sila ay kinahihiligan na nila ito. Ngunit may ilan na hate na hate ang pagsusulat. Kinababagutan. Kinaiinisan.
Gayunpaman, kung gusto mong tuklasin ang talentong nagkukubli sa iyong pagkatao, malaki ang maitutulong ng pagsusulat ng journal.
Sa pagsusulat ng journal, huwag mong isipin kung tama o mali o kung maganda o hindi ang iyong isinusulat. Hayaan mong ang puso mo ang magdikta sa iyong gagawin, at hindi ang isip.
Sa pamamagitan din ng pagsusulat ng journal ay mahahasa nito ang iyong talento sa pagsusulat at pag-iisip.
TANUNGIN ANG MGA KAIBIGAN O KAMAG-ANAK
Sino pa nga ba ang maaari nating lapitan o tanungin sa kung saan tayo magaling kundi ang mga taong malalapit sa atin. Ang mga taong may pakialam sa atin gaya na lang ng mga malalapit na kaibigan at kapamilya.
Kaya huwag mangamba o magdalawang isip na magtanong sa malalapit na kaibigan at kapamilya. May mga bagay na hindi tayo napapansin tungkol sa sarili natin at ang nakahahalata o nakakikita lang nito ay ang mga taong pinagkakatiwalaan natin, mga taong malapit sa atin at lagi nating kasama. Kaya’t mainam kung sila ang tatanungin.
Kung may sabihin man silang hindi maganda, maging handa rin tayo. Kung minsan kasi hindi lang naman kagandahan o kagalingan natin ang maaari nilang sabihin kundi maging ang ating kapintasan.
Kaya’t ready dapat tayo sa mga ganoong pagkakataon.
Ilang lamang ang mga nabanggit na paraan upang matuklasan mo ang talentong nagkukubli sa iyong pagkatao. At kapag natuklasan mo na ito, gamitin sa tama. Gamitin sa ikabubuti mo at ng ibang tao. Hindi sa ikasasama ng iba, o ng iyong sarili.
Oo nga’t may ilan na binabalewala ang kakayahang mayroon sila. Hindi pinahahalagahan. Ayaw gamitin.
Pero tandaan natin na lahat ng bagay na hindi natin pinahahalagahan ay maaaring mawalang parang bula. Maaaring maglaho at hindi na muling babalik. Kaya’t kung ayaw mong mawala ang angking galing na mayroon ka, ingatan ito.
Gamitin sa tama. Gamitin upang makatulong sa iba, lalong-lalo na sa ikauunlad mo bilang indibiduwal. Maging totoo rin tayo sa ating mga sarili.
(photos mula sa crm.audio, gbagyichild.com, grammarly.com, weareteachers.com). CT SARIGUMBA
Comments are closed.