TALENTONG ALAY SA INA NI DANIEL DUMAGUIT

Ni: Benedict Abaygar, Jr.

Isa sa sumibol sa larangan ng pagpipinta ang isang dating overseas Filipino worker (OFW) na ngayo’y kilala nang visual artist na si Daniel Dumaguit na tubong Taytay, Rizal.

Hinubog ng panahon, nakapagtapos ng Fine Arts Major in Advertising sa pamosong Far Eastern University (FEU) noong 1994, nagsimula si Daniel bilang graphic artist, illustrator at visual merchandiser mula sa iba’t-ibang kilalang kompanya hanggang sa mahasa ang talento sa pagpipinta ng modern contemporary paintings.

Bunso sa kanilang magkakapatid, namulat si Daniel na malayo ang amang nagsumikap magtrabaho sa Saudi Arabia kung kaya’t tangging ang inang mananahi ang naging sandalan at katuwang sa buhay.

Hindi naging madali ang buhay ni Daniel sa kanyang mundong tinahak kung kayat sinubukan din nitong mangibang bansa noong 2016 sa Riyadh, Saudi Arabia upang patunayan ang kanyang husay at galing hindi lamang sa Pilipinas kundi maging sa abroad.

Bumalik ng bansa si Daniel upang hanapin ang kanyang bagong kapalaran, dumaan sa ilang mga pagsubok hanggang sa dito niya higit na napagtanto ang kanyang kahusayan sa pagpipinta kung saan naging inspirasyon nito ang kanyang minamahal na inang si Hermina o mas kilala bilang “Nanay Emeng” kung kayat gumawa ito ng serye ng likhang obra at tinawag na “Ligaya” na sumisimbulo sa kanyang butihing ina na nagtaguyod sa kanilang magkakapatid sa mahabang panahon.

Kapansin-pansing na namumutawi ang alaala ng kanyang kabataan, kaligayahan at kasaganahan sa mga obrang gawa ni Daniel na nagpapakita ng likas na pag-aaruga at pagsusumikap ng kanyang ina sa pagtaguyod ng kanilang pamilya.

Taglay rin ang husay ni Daniel sa pagguguhit o pag-sketch ng mga larawan at kamangha-manghang talento sa pagpipinta ng abstract style mula sa kanyang mga nabibisitang tourist attractions hindi lamang sa Pilipinas kundi maging sa ibang-bansa kung saan may kakayahan itong pagsamahin ang magkaibang imahe o ‘fusion’ sa kanyang mga ipinipintang obra kung kayat dumami ang mga kolektor at kompanyang tumatangkilik sa angking galing ni Daniel.

Sa kabila ng mga nagdaang pandemya, hindi naging hadlang o mawalan ng pag-asa si Daniel katuwang ang kanyang matalik na kaibigang si maestro Rico Aunzo o mas tanyag sa tawag na Pedrong Masipag, ipinagpatuloy ni Daniel ang kanyang pagpipinta gamit ang modernong teknolohiya, unti-unting nakapagbenta at napalakas ang kanyang mga gawang sining sa tulong ng online selling noong kasagsagan ng Covid-19 pandemic.

Tunay na kagila-gilalas na alagad ng Sining, lubos na nakilala si Daniel ng kanyang likhain ang sariling bersyon na “Mother and Child” painting na patuloy na hinahangaan ng marami.

Kasapi si Daniel ng Bigkis Sining Binangonan, isang kilalang samahan ng mga pintor, abala rin sa mga solo art exhibit partikular sa kanilang itinatag na art gallery na Pedrong Masipag x Ligaya na matatagpuan sa Beverly Hills Subdivision, sa Taytay, Rizal.

Hindi rin ipinagkait ni Daniel ang kanyang talento sa pamamagitan ng pagbabahagi nito sa mga nais matuto ng pagpipinta magpasa hanggang ngayon.