(Taliwas sa report ng BAI) DOH NANINDIGAN NA LIGTAS ANG PAGKAIN NG PORK PRODUCTS

baboy

AALAMIN umano ng Department of Health (DOH) kung ano-anong pork products ang napaulat na tinukoy ng Bureau of Animal Industry (BAI) na sinuri nila at napatunayang positibo sa African Swine Fever (ASF).

Kasabay nito, muli ring nanindigan si DOH Undersecretary at Spokesperson Eric Domingo na ligtas ang pagkain ng karneng baboy.

Nauna rito, napaulat na may tatlong brand ng tocino, hotdog at longganisa ang natuklasang positibo sa virus, ngunit wala namang ibinigay na karagdagang impormasyon hinggil dito.

Ipinaliwanag naman ni Domingo na ang naturang virus ay namamatay sa mataas na temperatura na gina­gamit sa pagpoproseso ng karne, kaya’t nais aniya nilang malaman kung paano mangyayaring magpo-positibo pa sa virus ang mga naturang processed meat products.

“Kaya nga po gusto kong malaman kung anong tinest nila, baka hilaw na karne po ito o ito ay slightly processed food lamang,” ayon kay Domingo, sa panayam sa radyo.

“We want to coordinate with them para po iyong ating communication, messaging ay pare-pareho, accurate at hindi po nakagug-ulat masyado, nakatatakot lalo na kung ganito pong wala namang threat to human health,” aniya pa.

Kaugnay nito, muli rin namang nanindigan si Domingo na ligtas ang pagkain ng karneng baboy dahil hindi naman aniya nakaaapekto sa tao ang ASF.

“Wala po dapat ikatakot at all ang mga kumain ng produktong ito dahil sa kalusugan po ng tao, wala talaga siyang epekto,” pag-tiyak pa ni Domingo.

“Eh, wala po,” sagot pa ni Domingo nang tanungin kung ano ba ang posibleng masamang epekto sa tao, sakaling makakain ito ng karne ng baboy na may ASF. “Ito po ay completely safe. Wala po siyang epekto sa kalusugan ng tao, it is safe for human consumption, sa human health wala po siyang threat ito pong virus na ito, naapektuhan lang po nito ay mga baboy; ang mga tao… completely wala po itong apekto sa atin,” aniya pa.

“In fact, hindi pa po namin nakita itong report ng BAI. Gusto po namin malaman kung ano po ‘yung tinest nila, ano ‘yung findings, pero in terms of human health wala po talagang hazard itong African Swine Fever,” dagdag pa niya.

Ang nakikita lamang aniya nilang maaaring maging problema ay kung ang baboy mismo ang makakain ng mga naturang karne na may virus dahil tiyak na dadapuan sila nito.

“Unang-una kung ‘yung nakita nilang fragment ng virus ay enough pa para magkaroon ng sakit sa baboy at kung ito nga ay gawing ka­ning baboy at ipakain sa baboy, maaring magkasakit in case virulent pa ‘yung nakita nila. Pero sa tao hindi po siya nai-papasa sa atin at ‘pag nakain wala po siyang epekto sa atin,” aniya pa. ANA ROSARIO HERNANDEZ

Comments are closed.