TAM P. AUSTRIA: INSPIRASYON SA PANAHON NG PAGSUBOK

TAM P AUSTRIA

BAGAMA’T samu’t-saring pangamba ang ngayo’y pilit sumusubok sa ating katatagan, pursigido sa paghimok ang batikang pintor na si Tam P. Austria sa mga kapwa niyang alagad ng sining na ipagpatuloy ang pagiging malikhain at magpursige sa kanilang napiling propesyon.

Kaugnay nito, isinisulong din niya ang pagpapatayo ng isang gusaling maglalaman ng isang museo at mga galerya na magiging simbolo ng patuloy na pagbibigay-pugay sa mga likhang biswal hindi lamang ng mga Pilipino, pati na rin sa mga alagad ng sining mula sa iba’t ibang panig ng mundo.

At nais niya itong tumayo sa bandang silangan, sa probinsya ng Rizal.

Ayon pa sa pintor, sa tulong ng kaniyang mga malapit na kaibigan, mga parokyano ng sining, kapwa niya pintor at mga lider ng komunidad, ay isusulong nila ang planong ito sa mga kinauukulan.

“Napapanahon nang maging inspirado ang nakakarami.  Maaaring may maitulong ako diyan.  May maitulong ang iba sa atin—magkatulungan tayong lahat.  Ang isang ‘Lagakan Sining’ ay isusulong natin kabilang na ang isang museo na maglalaman naman ng ating salin-lahi.  Marami man tayong kinakaharap ngayon, kilala ang mga Pilipino na matatag na lahi ano man ang suliranin.  Nais lang natin madagdagan pa ang kanilang gana sa buhay, at hindi lungkot at pighati.”  Sabi ni Tam.

Si Atanacio P. Austria, mas kilala bilang Tam Austria, ay tunay ngang simbolo ng isang matagumpay na alagad na sining, sa larangan ng pagpipinta.  Sadlak man sa kahirapan noong kabataan niya, umahon sa pagiging dukha at sa kasalukuyan ay maituturing na pinaka-matagumpay na pintor sa probinsiya ng Rizal.

Ipinanganak sa Tanay sa probinsiya ng Rizal noong August 25, 1943.  Ang kaniyang ama ay isang magsasaka, samantalang tumutulong lamang ang kaniyang ina sa pangaraw-araw na responsibilidad ng kaniyang ama.

Hindi naging madali ang buhay nilang mag-anak.  Maaga si Tam nagbanat ng buto upang makatulong sa kaniyang mga magulang.  At sa murang edad, kinahiligan na niya ang pagguguhit.

Ayon sa pintor, masaya siya sa tuwing may pagkakataong inuutusan siyang gumuhit ng kaniyang guro.  “Noong bata pa ako, kapag walang ginagawa sa paaralan, drawing lang ako nang drawing.  Kalaunan, napansin ako ng titser ko.  Sa akin na pinapagawa ang mga artworks sa bulle-tin board at kapag may program—malaki ang natitipid ni titser sa akin—ay tuwang-tuwa sa akin. Ako naman masaya ako kasi nahahasa ako lalo at hindi ako kinagagalitan kapag gumuguhit ako.”  Sabi ni Tam.

Sineryoso nga ni Tam ang pagguguhit hanggang sa pagtuntong niya ng kolehiyo, kung saan kumuha siya ng Bachelor’s Degree sa Fine Arts, sa University of Sto. Tomas at nakapagtapos noong 1964.

Pagka-graduate, sa isang Advertising company ang una niyang trabaho.  ‘Di kalaunan ay pormal na siyang nagtrabaho sa kaniyang maestro na si Carlos ‘Botong’ Francisco.  Nagkaroon din siya ng pagkakataong makapagtrabaho sa Ayala Corporation, hanggang sa tuluyan nang nag-sarili si Tam, at doon sinubukan siya ng tadhana.

Hindi naging madali ang buhay ni Tam bilang isang pintor.  Itinawid ang pamilya nang halos kakapuringgit ang kanilang nakakain sa pangaraw-araw.  Ang kinikita, hinahati pa sa mabibiling pagkain at pambili ng gamit pampinta.  Subalit hindi natinag si Tam sapagkat aniya, mataas ang kaniyang pangarap sa buhay.

“Kung hirap sa buhay lamang ang paguusapan ay tila nasubukan ko nang lahat.  Natatandaan ko pa halos lakarin ko papuntang Malate mai-benta ko lang ‘yung mga gawa ko.  At minsan sinubukan kong makiusap kung puwedeng taasan nang bahagya ang kuha sa akin ng isang may-ari ng isang galeriya, ang sagot lang niya ay baka daw sunugin na lamang niya ang bahay ko.  Natakot ako kasi ang bahay ko nuon ay kahoy at pawid lang.  Ay ganun ako kahirap noon, pero hindi ako tumigil, nagpursige ako at naitaguyod ko nang maayos ang aking pamilya.  Kaya nga kung buhay pa sana ngayon ‘yung may-ari ng galeriya ay sasabihin ko sana, subukan niyang sunugin ang bahay ko ngayon.  Dahil ang alam ko mahihirapan siyang sunugin ang isang bahay na bato!” Pabirong kwento ni Tam.

Makulay at puno ng buhay ang mga obra ni Tam.  Kakaiba ang dalang bighani ng kaniyang mga likha na nagbibigay pagpapahalaga lalo na sa ating mga kababaihan—ina, kapatid na babae, anak.  Higit sa lahat, buhay ang ala-ala ng ating kinagisnang tradisyon sa kaniyang mga gawa—Sumikat siya sa mga pintang ‘Mag-ina,’ ‘Mag-anak,’’Si Malakas at si Maganda,’ “Ligawan,’ ‘Harana’ at ang walang kupas na ‘Bayanihan.’

Siya din ay may akda ng dalawang aklat—ang una ay ang “RECREAMINDOISM RENA—How to be inspired” na lumabas noong 1999 at ang huli, ang “ZEAL OF ART—My Inspirer” na lumabas noong 2015, na katuwang sa pagsusulat ang yumaong Art Critic na si Alice Guillermo.  Ani Tam, ang bagong yugto sa kaniyang buhay ay ang pagtuunan ng pansin ang isang bisyon na matagal na niyang isinasantabi.

“Ano man ang aking tagumpay ngayon, ay nais ko lamang magbahagi ng kapirasong parte ng aking buhay para sa lahat ay malaman ninyo.  Na maliban sa paghingi ng lakas at gabay ng Poong Maykapal, ang pagiging inspirado ang tunay na susi sa tagumpay, dahil anu-ano man ang uri ng balakid ang iharap sa inyo, kung kayo ay may inspirasyon, tiyak gagawin ninyo ang lahat makamit lang ang inyong minimithi.  Ganiyan ang pagpipinta, dapat inspirado ka.”  Patapos na pahayag ni Tam P. Austria.

Ang Sining sa panahon  ng CoVID-19

ni Tam P. Austria

Isang bukas na pananaw galing sa puso at walang pag-iimbot para sa proteksiyon at interes ng tao:

Sa kabila ng iba’t-ibang agam-agam sa pagkalat ng coronavirus (CoVID-19), idineklara ang ‘enhanced community quarantine’ sa Kalakhang Maynila at sa buong Luzon. Ito ay ginawa upang mabigyan ng tamang proteksiyon ang mga tao sa nakamamatay na maikokonsiderang bagong ‘peste’ sa ating bansa.

Sa kasamaang palad ito ay kalat na rin sa ibang panig ng mundo.  Sa kasalukuyan ito ay binibigyan ng prayoridad ng pamahalaan, at marapat lamang na pagtuunan din ng pansin ng bawat isa sa atin, sapagkat mabilis ang pagkalat nito na siya namang tunay ngang nakababahala.

Ang enhanced community quarantine ay makaaapekto sa buhay ng milyon- milyong katao, sa 16 na siyudad at mga munisipyo sa Metro Manila bukod pa ang ibang mga lugar sa buong Luzon. Ang CoVID-19 ay pumipinsala sa kalusugan ng tao at wala itong sinisino, wala ni isang ‘espesyal’ na tao—lahat ay maaaring tamaan.

Ang tanong ay kung ito ay gawa ng tao?  Kung ito ay gawa ng tao samakatuwid ito ay may lunas sa mapayapang pamamaraan.  Kung ito naman ay dahil sa kapabayaan ng tao, isa sa pinakamabisang paraan upang masugpo ito ay ang magtulungan at magbalikatan.  Kooperasyon ng lahat ay lubos na kinakailangan.

Marapat man tawagin na ‘Pandemic’  ang CoVID-19 o hindi, ako ay sumasang-ayon sa pahayag ng isang kolumnista na ang kailangan nating ingatan sa kasalukuyan ay ang ‘Pandemic of Fear,’ sapagkat ito ang sisira sa pundasyon ng tao bilang miyembro ng isang komunidad—wawasakin nito ang katahimikan sa paligid, at magbubunga ito ng kaguluhan.

Higit pa sa pagkalat ng CoVID-19, kung ang mga tao ay nakatutok lamang sa pang-materyal na bagay at nakakalimutan na ang tungkulin ng konsiyensiya o kaluluwa, hindi tayo makakatulong sa iba.  Maging sandigan tayo ng katapangan, larawan ng kooperasyon, may malasakit at higit sa lahat, maging inspirasyon sa lahat.  Ang debosyon at paniniwala sa Poong Maykapal higit sa lahat ang unahin, at sabayan ng aksyong payak na makakatulong sa ating kapwa ang pangarapin sa panahong sinusubok ang ating katatagan bilang indibidwal at kasapi ng ating komunidad. EDMUND C. GALLANOSA

Comments are closed.