NOONG nakaraang linggo, pinirmahan bilang isang ganap na batas ni Pangulong Duterte ang Republic Act 11235 o “Motorcycle Crime Prevention Act”. Ito ay naglalayon na magkaroon ng mas malaki at madaling basahin na plaka ng mga motorsiklo. Ito ay upang labanan ang mga krimen na gumagamit ng motorsiklo tulad ng tinatawag nating “riding in tandem”. Alam naman natin lahat na ito ngayon ang modus operandi ng mga kriminal o “gun for hire” na mga tao na inuutusan upang pumatay.
Ayon sa R.A. 11235, inuutusan ang Land Transportation Office (LTO) na gumawa ng bagong disenyo ng plaka ng motorsiklo na mas malaki, madaling mabasa, at color-coded na madaling basahin sa distansya ng 15 meters. Ayon pa sa nasabing batas, ang sumuway o lumabag sa batas na ito ay maaring ikulong ng anim na buwan at isang araw o anim na taon na sang-ayon sa Revised Penal Code o magbabayad ng P50,000 at hindi hihigit sa P100,000 o parehas na pataw ng penalty. Maari rin kunin ng awtoridad ang motorsiklo kapag ito ay lumabag sa nasabing batas. Sa kasalukuyan, inaayos ng LTO ang Implementing Rules and Regulation ng nasabing batas.
Subalit umalma ang maraming nagmomotorsiklo sa nasabing batas. Umaangal sila na hindi raw makatarungan ang batas na ito dahil napakalaki raw ng sukat ng nasabing plaka at maaring magbigay panganib daw sa buhay ng nagmo-motrosiklo kapag ito ay nakalagay sa harapan. Maaring masugatan daw sila kapag dalawang plaka ang ikakabit sa kanilang mga motorsiklo. Ayon sa Luzon Motorcycle Federation Inc. (LMFI) hindi sila isinali sa paggawa ng nasabing batas upang kunin ang kanilang panig. Para sa kanila, maaring maaksidente, hindi lamang ang gumagamit ng motorsiklo, nguni’t pati na rin ang commuter, pedestrians at iba pang gumagamit ng ating mga kalsada dahil sa laki sa sukat ng plaka kapag ipinatupad ito. Maski na sa ibang bansa ay walang disenyo o probisyon ang mga motorsiklo na maglagay ng plaka sa harapan.
Sa akin naman ay tama lamang na magkaroon tayo ng batas na ito na tutugon sa tumataas na krimen na pagpatay na gumagamit ng motorsiklo. Hindi naman gagawa ng ganitong batas kung walang pangangailangan hindi ba? Ang lahat na ginagawang batas ng Kongreso, pati na rin ang mga executive order ng Ehekutibo ay ginagawa upang tugunan ang isang pangangailangan. Nandiyan naman ang Hudikatura upang magbigay ng interpretasyon ng ating mga batas kung ito ay mali.
Aminin na natin. Magpakatotoo na tayo lalong-lalo na ang mga gumagamit ng motorsiklo. Pasaway ang karamihan sa inyo. Karamihan ay normal na sa inyo ang paglabag sa batas trapiko. Hindi kayo sumusunod sa batas. Ngayon na may panibagong batas na pinirmahan si Pangulong Duterte bilang sandata sa pagsupil ng kriminalidad tulad ng ‘riding in tandem”, ay umaalma kayo.
Halos mahigit na tatlong dekada, kaunti pa lamang ang gumagamit ng motorsiklo, wala namang ganitong pamamaraan ng krimen na nangyayari. Subali’t dahil sa pag-iba ng sitwasyon at kasalukuyang kundisyon ng trapiko sa ating bansa, naglipana ang mga motorsiklo. Nauso na rin ang paggamit ng motorsiklo sa kriminalidad. Kaya dahil sa ibinibigay na sitwasyon at kundisyon, obligasyon at karapatan ng pamahalaan na gumagawa ng batas upang tugunan ang nasabing suliranin.
May narinig pa nga ako sa radyo na may mga nagsasabi na tila ang motorsiklo lang daw ang pinupuntirya ng gobyerno.
Dapat daw ay palakihin din ang plaka ng mga apat na gulong na sasakyan. Haler! Anong klaseng katuwiran ‘yan!
Imbes na umangal kayo, tanggapin na lang natin lahat na ang pinakadiwa ng batas na ito ay upang supilin ang kriminalidad. Dapat ay magkaisa tayo rito at hindi sa mababaw na rason na pangit ang hitsura ng kanilang motorsiklo dahil may malaking plaka. Hay naku!
Kung ang rason naman ay ang posibleng masaktan ang commuter, pedestrian at iba pang gumagamit ng ating kalsada, eh ‘di huwag kayong bumaybay sa sidewalk! Karamihan kasi sa inyo ay gumagamit ng sidewalk. Ang sidewalk ay para sa mga pedestrian at commuter. Ang mga pasaway na nagmomotorsiklo ay pumupunta sa sidewalk upang makaiwas sa trapiko. Magpakatotoo tayo. Hindi ba tama ako?
Ang mga masunurin na mga nagmamaneho ay dapat respetuhin. Subali’t kapag ang mga ito ay barumbado, walang disiplina at higit sa lahat ay ginagamit ito sa mga gawaing kriminalidad, kalaboso ang katapat ng mga ito.
Comments are closed.