TAMA BA ANG PAG-AALBOROTO NG MGA GRUPONG MAKAKALIKASAN?

Magkape Muna Tayo Ulit

UMALMA na naman kamakailan ang isang grupo na diumano’y nagsusulong para sa kaligtasan ng kalikasan dahil sa suhestiyon ni Laguna Congressman Dan Fernandez para sa Me­ralco na eksklusibong gumamit ng coal imbes na natural gas upang makapag-imbak ng enerhiya at suplay ng koryente.

Sa Facebook post ng Philippine Movement for Climate Justice (PMCJ), sinabihan ng grupo si Fenandez na huwag niyang baluktutin ang katotohanan patungkol sa coal. Ayon pa sa nasabing grupo, hindi mura ang paggamit ng coal at hindi rin ito magagamit ng pangma­tagalan para sa paglago ng ekonomiya ng bansa.

Sinegundahan pa ng Power for People Coalition (P4P) ang pag-aalboroto ng PCMJ, at binatikos din ang salitang binitawan ni Rep. Fernandez tungkol sa paggamit ng coal para sa ating enerhiya.

Ayon kay Gerry Arances, P4P convenor, mali raw ang impormasyon ni Rep. Fernandez tungkol sa coal sa hearing na isinagawa kamakailan ng House Committee on Good Government and Public Accountability. Mas makasasama raw ang coal sa kalikasan at kalusugan ng nakararami.

Ang tanong, bakit ba gigil na gigil ang dalawang grupong ito sa paggamit ng malala­king power plant sa bansa ng coal para makapag-imbak ng enerhiya para masuplayan ng koryente ang ating bansa?

May mga kongkretong patunay ba sila na mahal at marumi nga ang coal kaysa sa ibang elemento katulad ng renewable energy (RE) or liquified natural gas (LNG)?

Kung masama ang coal, bakit ang mga mauunlad na bansa katulad ng Japan at Germany ay patuloy pa rin ang paggamit ng coal para masuplayan ang pa­ngangailangan nila sa enerhiya?

Sa Germany, aabot sa 37 porsiyento ng mga power plant nila ay gu­magamit pa rin ng coal para makalikha ng k­oryente. Sa Japan naman, dahil sa mala­king disaster na nilikha ng Fukushima Daiihi nuclear,  pitong taon na ang nakalilipas, nagpasiya ang bansa na palitan ang 54 na nuclear reactors nila ng 46 na high-efficiency low-emission (HELE) coal-fired power plants.

Ang HELE ay makabagong teknolohiya para sa mga coal plant na gumagamit ng mas kakaunting fuel at naglalabas ng mas mababang grado ng carbon dioxide para maiwasan ang pagkasira ng kalikasan.

Dito sa Filipinas, 40 porsiyento ng mga power plant ay gumagamit ng coal na nagbibigay ng aabot sa 21,000 megawatt na kapasidad na enerhiya ng bansa, ayon sa datos mula sa Kagawaran ng Enerhiya.

Pinipilit ng PMCJ at P4P na dapat nang ipagbawal ang paggamit ng coal sa mga power plant at palitan ito ng mga RE. Imposible ang gusto nilang mangyari dahil sa mataas na panga­ngailangan ng bansa sa maaasahan at episyenteng suplay ng koryente na ‘di kayang ibigay lang ng RE. Mas lalong tataas ang singil sa kor­yente kung ipipilit nila na RE lamang ang gamitin natin.

Bigla kong naalala ang post ni Anakalusugan party-list Rep. Mike Defensor  sa kanyang Facebook dahil sa pagbatikos sa kanya sa pagboto niya na huwag bigyan ng prangkisa ang ABS-CBN.

Sabi niya: “Parang sila lang ang nakaka-intindi ng nangyayari sa bansa at kapag hindi mo sinunod ang pag-iisip nila ay mali ka. Sila lang ang tama. Sila lang ang may alam kung ano ang dapat.”

Ganyan din ang gustong mangyari ng PCMJ at P4P, na sila lang ang tama at dapat RE agad ang gamitin ng bansa para makapag-imbak ng enerhiya.

Para namang ganoon kadali ang gusto nilang mangyari. Sa totoo lang, mas magastos at mas mabusisi ang paglikha ng RE kaysa sa pagtatayo ng mga modernong coal plant  na gumagamit ng mga makabago at mali­nis na teknolohiya katulad ng HELE.

Sa pagkakaalam ko ay may ilang power plants na sa bansa na gumagamit na ng HELE na ang layunin ay magkaroon tayo ng high-carbon to low-carbon footprint, at sa kalaunan ay maging zero-carbon electricity.

Kaninong interes ba ang isinusulong ng PMCJ? Ang pagbibigay ng mas murang kor­yente na galing sa mga modernong planta na halos walang dulot na kasiraan sa kapaligiran  o  ang interes ng isang kapitalista?

May nagsabi sa akin  na magkakaroon diumano ulit ng hearing ang House Committee on Good Government and Public Accountability sa susunod na linggo para busisiin ang mga operation ng generation companies na  pag-aari ng mga Lopez.

Marahil ‘yan ang dapat tutukan ng PCMJ at P4P dahil malaki diumano ang kinita ng mga generation company na ito na nagbunga ng mataas na singil sa k­oryente. Maliwanag na ang taumbayan ang nadehado kung totoo nga ang paratang na ito sa mga Lopez.

Aabangan natin kung magpapalabas ng pahayag ang dalawang grupo sa nalalapit na hearing. Ang alam ko, masigasig ang mga kompanya ng Lopez na magtayo ng RE power plants kaya malamang katigan sila ng dalawang grupo.

Comments are closed.