TAMA BA ANG PANGHIHIMASOK NG ICC SA ATING BANSA?

HETO na naman tayo. Bumabalik eksena na naman ang ICC o International Criminal Court sa ating bansa upang umano’y ipagpatuloy ang imbestigasyon ng paglabag sa karapatan pantao dulot ng kampanya laban sa iligal na droga na nangyari noong panahon ng nakaraang administrasyon.

Ayon sa ICC, batay sa mga materyal na nakalap nila na isinumite ng ilang grupo sa Pilipinas, hindi sila kuntento sa takbo ng imbestigasyon ng ating gobyerno sa umano’y mga napatay ng indibidwal na sangkot sa droga sa kampanya upang matigil ito.

Aysus. Ano ba ‘yan, ICC? Ganoon ba katalamak ang mga namamatay na kababayan natin dahil sa laban ng gobyerno sa iligal na droga? Hindi ko alam kung ganito ang aksiyon na ginagawa ng ICC sa mga bansa sa Amerika tulad ng Mexico, Colombia at maski na sa China kung saan doon umano ang ugat ng produksiyon ng iligal na droga at ibinebenta sa ibang bansa.

Nababasa natin sa mga balita kung paano magpatayan ang mga miyembro ng mga drug cartel sa Mexico at Colombia, kung sino ang dapat namamayagpag sa pagkontrol ng droga at ibenta sa ibang bansa. Parang wala akong nababalitaan na ang ICC ay aktibo upang imbestigahan ang libo-libong namamatay sa Mexico at Colombia. Baka takot silang pumunta doon at baka sila pa ang masampolan.

Hindi ibig sabihin nito na binabalewala ko ang mga kababayan natin na namatay sa mga operasyon na isinagawa ng ating awtoridad kaugnay sa iligal na droga.

Nakikidalamhati ako sa kanila. Subalit kailangan pa ba ng ICC upang makamit ang hustisya sa mga inosenteng biktima noong nakaraang administrasyon?

Una, si BBM na ang namumuno ng ating pamahalaan. Kung malakas ang ebidensiya laban sa mga tiwaling opisyal ng kapulisan, dapat lamang na habulin at kasuhan sila. Nakikita naman natin kung gaano kaseryoso sila at sa agarang aksiyon sa pagresolba sa pagpatay sa broadcaster na si Percy Lapid at sa kaso ni Yvonette Chua Plaza kung saan matataas na opisyal ng gobyerno ang nasasangkot.

Nakapagtataka lamang ang muling pag-epal ng ICC matapos na ipagpatuloy ng bagong DILG Secretary Benhur Abalos ang puspusang laban kontra iligal na droga.

Matatandaan na galit na galit si Sec. Abalos ng may nahuli na miyembro ng kapulisan na sangkot sa pagbebenta ng shabu sa Maynila na nagkakahalaga ng mahigit na isang bilyon. Hindi pa iyan, naaktohan pa ang ilang kapulisan na sumubok magpuslit ng ilang kilo ng shabu sa nasabing nakumpiska na kontrabando.

Nagresulta nga ito sa kanyang paghiling ng ‘courtesy resignation’ sa mga matataas na opisyal ng PNP upang simulan na ang pagreporma sa nasabing organisasyon. Tapos heto ang ICC at planong umepal sa isinasagawang kampanya ng ating pamahalaan kontra droga? Haller???

Ang ICC ay binigyan ng pagkakataon upang tingnan at suriing mabuti kung may sapat na ebidensiya laban kay dating Pangulong Duterte at ang ilan sa kanyang mga opisyal laban sa karapatang pantao. Natapos ang termino ni Duterte at pinalitan ni PBBM na seryoso rin upang matigil ang ilegal na droga sa ating bansa. Mali ba ‘yun?

Sa aking palagay, mas marami pang masahol na bansa kaysa sa Pilipinas kung pag-uusapan ay ang pagiging talamak sa bentahan ng iligal na droga. Ilang mga administrasyon natin ang maaaring sisihin kung bakit lumala ang droga sa ating bansa. Heto na nga at unti-unting nagtatagumpay tayo laban dito at makikialam na naman ang ICC.

Sang-ayon ako kay Presidential Legal Adviser Juan Ponce Enrile na ang ICC ay walang kapangyarihan sa atin upang manghimasok sa gawain natin. “I’m telling you, as a lawyer of the President, as far as I’m concerned, I will not recognize the jurisdiction of the ICC. They have no sovereign power over us,” ang sinabi ni Enrile.

Ang hamon pa ni Enrile ay ipapaaresto niya ang mga opisyal ng ICC kapag pupunta sila dito upang manghimasok sa ating pamumuno at pamamahala kontra iligal na droga. Kailangan daw ay humingi muna sila ng permiso upang pumunta dito at magsagawa ng imbestigasyon.

Tama nga naman. Inuulit ko, magagawa ba nila ito sa bansang Mexico at Colombia? Eh sa China kaya? Malabo kung kaya nilang ipakita ang angas nila doon.

Heto lamang po. Kung wala kang koneksyon o kinalaman sa iligal na droga, wala kang dapat ipangamba. Ganoon kasimple lang po iyon. Kung ang tao maski papaano ay nagbenta o gumamit ng droga, aba’y dapat mangamba ka.

Tulad ng isang komersyal noon tungkol sa mikrobyo na maaaring maging sanhi ng sakit, ang sabi ng dating sikat na artista na endorser ng nasabing rubbing alcohol, “ang mikrobyo ay hindi bini-baby, pinapatay ito!”