TAMA BANG MAGDESISYON ANG ERC?

PATULOY na nagtataasan ang presyo ng mga bilihin kaya nananatiling pagsubok sa maraming Pilipinong pamilya ang pagkasyahin ang budget para matugunan ang kanilang araw-araw na pangangailangan.

Kabilang sa itinuturong dahilan ng pagtaas ng presyo ay ang sigalot sa pagitan ng Russia at ng Ukraine.

Ito ang dahilan kaya nagkaroon ng pagsipa sa presyo ng produktong petrolyo. Nito nga lang Martes, nagkaroon na naman ng malakihang dagdag sa presyo ng gasolina at diesel. Para sa mga ordinaryong mamamayan, katumbas nito ang pagtaas din ng pamasahe sa mga pampublikong sasakyan.

Apektado na rin ang operasyon ng mga kompanya kagaya ng San Miguel Corporation na kamakailan ay humirit ng maliit na dagdag-singil sa ibinebenta nitong koryente sa Meralco.

Nais mabawi ng subsidiaries ng San Miguel ang halos P5.2 bilyong halagang nalugi para maipagpatuloy ang pagsuplay nito ng koryente sa Meralco. Hindi inaasahan ng San Miguel na lolobo sa ganito kataas ang presyo ng coal nang pumasok ang mga ito sa Power Supply Agreements (PSAs) sa Meralco taong 2019.

Sa desisyon nito ay hindi pinayagan ng ERC na bawiin ang halagang kanilang ikinalugi kahit na alam ng regulator na maaaring magdulot ito ng terminasyon ng kontrata sa pagitan ng San Miguel at ng Meralco at magdulot ng mas mataas pa na singil sa koryente.

Ayon sa Meralco, susunod sila sa utos ng ERC at gagawin nito ang lahat ng posibleng paraan na nakasaad sa PSA upang maiwasan na ma-terminate ang kontrata dahil base sa kompyutasyon na ginawa ng Meralco, na mismong tauhan ng ERC ang nag-kumpirma, mababa pa rin ang magiging presyo ng koryente kahit na aprubahan ng ERC ang hirit na rate hike ng San Miguel.

Kung ikukumpara rin ang singil ng ibang mga distribyutor at electric cooperatives sa bansa, isa ang
Meralco sa may pinakamababang singil. Kung matatandaan ay bumuhos ang reklamo sa ERC mula sa iba’t ibang consumers sa probinsya dahil sa sobrang taas na singil sa koryente sa mga probinsya. Ang ilan pa ay nakararanas ng malawakang brownouts at ang realidad na ito ang kailangang pagtuunan ng pansin ng ERC.

Maaaring pabor sa consumers ang mga desisyon ng ERC sa ngayon, pero dapat intindihin din nito ang lagay ng mga generation companies. Isang malaking hamon sa pamumuno ng bagong ERC Chairperson na si Atty. Monalisa Dimalanta kung paano niya babalansehin ang mga pangangailangan ng consumers at viability ng operasyon ng mga generation companies.

Ano na lang ang mangyayari sa ating bansa kung wala nang mga power generation companies na gaganahang magpatakbo ng negosyo sa ating bansa? Paano kung tuluyang malugi at magsara ang mga kasalukuyang power generation companies sa bansa? Sana ay masolusyunan na ito ng ERC, o kung hindi naman ay ang ating pamahalaan na mismo ang dapat magdesisyon dito, para sa ikabubuti ng bawat mamamayang Pilipino.
o0o
Ngayon ang araw ng ika-32 wedding anniversary namin ng aking asawa. Harinawa’y patuloy pa rin ang biyaya ng Panginoon sa aming matamis at mapagmahal na pagsasama ni Mrs. Red Bibay Sison.

Ngayon din ang araw ng paggunita ng kaarawan ng aking ama na si dating Press Secretary Jess Sison. Dapat ay 92 years old na siya kung nabubuhay pa.