TAMA NA, SOBRA NA TANGGAPIN NA!

MAHIGIT isang linggo na ang nakararaan nang tayo ay bigyan ng karapatan na pumili ng gusto nating mamuno sa ating bansa.

Tulad ng kahit anong paligsahan, may natatalo at may nananalo. Huwag na lang tayo lumayo sa katatapos na basketball finals ng UAAP sa pagitan ng Ateneo at ng UP. Ilang segundo na lamang ang nalalab, ang bola ay nasa UP. Pumukol ng 3 points ang manlalaro ng UP na si JD Cagulangan at pumasok. Natalo ang Ateneo na kinikilalang pinakamalakas na koponan sa UAAP.

May nagdiwang sa pagkapanalo at may umiyak sa pagkatalo. Subalit ang magandang eksena na nakita ko ay ang dalawang magkatunggali ay nagbigay ng respeto sa isa’t isa sa resulta ng laro.

Sana ganoon din ang mga supporter ng magkabilang kampo nina BBM at VP Leni sa kakatapos na halalan natin. Hanggang ngayon kasi ay patuloy pa rin ang bangayan, patutsadahan at hindi pagtanggap ng resulta ng eleksiyon. Pati ang mga ibang estudyante ay nagbabala na hindi na raw sila papasok sa kanilang mga paaralan bilang protesta sa pagkapanalo ni BBM…HALLER?!

Malaki ang ipinagbago ng kultura at kaugalian ng mga kababayan natin simula nang nagkaroon ng social media. Ang mga kabataan ngayon ay naging mas mapusok at nawalan ng respeto sa mga nakatatanda sa social media. Bakit? Dahil puwede silang magsulat ng saloobin nila sa social media na hindi nila nakikita nang personal ang kanilang inaaway. Ang lahat ay nagmistulang ‘magaling’ at alam ang lahat ng nangyayari sa lipunan at sa mundo.

Idagdag pa natin ang mga mali-maling impormasyon na pinapayagang mailabas at mabasa sa social media. Kaya nahuhulma ang kaisipan ng kabataan sa ibang pamamaraan. Galit at puot ang umiiral kapag taliwas sa kanilang paniniwala.

Ang yumaong National Artist for literature na si F. Sionil Jose, ay binatikos ng mga sumusuporta kay VP Leni at mga dilawan noong buhay pa siya dahil may isinulat laban sa pagkapanalo ng Nobel Peace Prize ni Maria Ressa. Hindi na iginalang ang edad at karanasan ni Gng. Jose. Hindi ba natin puwedeng tanggapin ang kanyang sentimyento sa isyu na ito?

Nabasa ko ang kolum ni former Chief Justice Artemio Panganiban. Maganda ang kanyang sinabi. Ayon sa kanya, pinuri niya ang kakatapos na halalan dahil mabilis lumabas ang resulta ng pagbilang ng boto.

Dahil daw sa transparency servers ng Comelec, mabilis nalaman ang resulta ng botohan na maaaring bantayan ng media at iba pang civic organisations. Maganda rin daw ang partisipasyon ng sambayanan noong ika-9 ng Mayo na umabot sa 88.77% ang voter turnout.

Lumabas din agad ang napakalaking lamang ng tandem nina BBM at Sara Duterte laban kina Leni Robredo at Kiko Pangilinan na hindi pa natutularan sa kahit na anong presidential election na naganap sa ating kasaysayan.

“With these record-breaking feats, the Philippines shed its dubious record of being an election slowpoke; in fact, it may have set a record for being one of the fastest in determining — unofficially but definitively — the winners in a nationwide democratic election,” sabi si Justice Panganiban.

Ngunit sa kabila nito, nagbigay-pugay rin naman si Justice Panganiban sa paglakas ng tinatawag na ‘volunteerism’ na nangyari sa mga sumuporta sa kandidatura ni Robredo. Nag-ambagan ang mga nasa middle class upang makatulong sa kampanya ng kanilang kandidato. Sa ginawa nilang sakripisyo at pagsuporta, sana rin ay tanggapin nila ang hatol ng nakararami.

Hindi pa naman nagtatapos dito. May susunod na halalan pagkatapos ng tatlong taon. Pag-usapan ng oposiyon ang susunod nilang hakabang kung saan sila nagkamali at ano ang dapat ayusin upang maitulak nila ang kanilang ideolohiya at paniniwala.

Tapos na po. Pormalidad na lang po sa pag- anunsiyo ng ating susunod na Pangulo. Walang nakita na dayaan sa resulta ng eleksiyon ang PPCRV at ang NAMFREL. Sana naman ay tanggapin na rin ni VP Leni ito. Siya na lang yata ang hindi nagko-concede matapos ang mahigit isang linggo na natapos ang botohan at malinaw na sa resulta ng eleksiyon. Sa tingin ko kasi, maghihilom ang lipunan kapag tinanggap niya nang maluwag sa kalooban ang resulta ng halalan.