BINALAAN ni Presidential Commission of the Urban Poor (PCUP) Chairman at CEO Alvin Feliciano ang mga local government unit (LGUs) na hindi sumusunod at nagbibigay ng tamang ayuda para sa mga maralita.
Ani Feliciano, kakasuhan niya ang mga lokal na pamahalaan na lalabag at hindi sumusunod sa Urban Development and Housing Act (UDHA) at panahon na para panagutin ang mga ito na sinasamantala ang kahinaan ng mga maralitang Filipino.
Nakasaad sa UDHA, ang lokal na pamahalaan mismo ang maglalapit sa ibang ahensiya gaya ng National Housing Authority (NHA) upang mabigyan ng pabahay, tulong pinansyal, pangkabuhayan o ano pangayuda ang mga magiging apektado sa mga pagpapalayas at demolisyon, ngunit hindi ito ginagawa ng maraming LGUs lalo na sa Metro Manila.
Binigyang-diin pa ni Feliciano, kahit na umalma ang LGUs ay desidido ang PCUP na sampahan sila ng kaso dahil sa matagal ng ginagawang panggigipit sa mga pinalalayas sa kanilang tinitirhan, ngunit walang ayudang ipinaparating sa mga apektadong pamilya.
Ang naturang hakbang ay malaking bagay para sa mga maralita lalo na sa mga apektadong pamilya na wala ng ibang lugar pang uuwian.
Ayon pa kay Feliciano, walang demolisyon na mangyayari hangga’t hindi nabibigyan ng ayuda ang mga apektadong pamilya. BENEDICT ABAYGAR
Comments are closed.