MAYNILA-INILABAS ni Labor Secretary Silvestre Bello III ang gabay sa tamang pasuweldo para sa mga empleyado dahil na rin sa sunod-sunod na holiday sa bansa ngayong Agosto.
Alinsunod sa Proclamation No. 555, s. 2018 at No.789, s.2019, idineklara ang Agosto 12 at 26 bilang regular holidays, bilang paggunita sa Eid’l Adha at National Heroes Day, habang ang August 21 ay isa namang special non-working holiday, bilang pag-alaala sa pagkamatay ni Ninoy Aquino.
Batay sa naturang labor advisory, para sa mga araw ng regular holiday, ang mga empleyadong hindi magtatrabaho sa nasabing araw ay babayaran pa rin ng 100% ng kanyang suweldo o ([Basic wage + COLA] x 100 percent)], habang ang mga nagtrabaho naman ay pagkakalooban ng 200% ng kanyang regular salary para sa unang walong oras o ([Basic wage + COLA] x 200 percent).
Kung ang empleyado naman ay nag-overtime o nagtrabaho ng lampas sa walong oras, kailangang bayaran sila ng karagdagan pang 30% ng kanilang hourly rate o (hourly rate of the basic wage x 200 percent x 130 percent x number of hours worked).
“Moreover, those who worked on a regular holiday that also fell on their rest day shall be paid an additional 30 percent of their basic wage of 200 percent [(Basic wage + COLA) x 200 percent] + [30 percent (Basic wage x 200 percent)],” anang labor advisory.
Ang mga manggagawa naman na nag-overtime sa regular holiday na natapat sa araw ng kanyang pahinga ay babayaran pa ng karagdagang 30% ng kanyang hourly rate sa nasabing araw o (hourly rate of the basic wage x 200 percent x 130 percent x 130 percent x number of hours worked).
Samantala, para naman sa special non-working holiday, ipatutupad ang ‘no work, no pay’ para sa empleyado na hindi pumasok sa kanyang trabaho, maliban na lamang kung mayroong iba pang umiiral na polisiya ng kanilang kumpanya hinggil dito o collective bargaining agreement (CBA) na nagkakaloob sa kanila ng bayad para sa nasabing special day.
Kung papasok naman sa trabaho ang empleyado sa isang special non-working holiday, kinakailangan siyang bayaran ng karagdagang 30% ng kanyang daily rate sa unang walong oras ng kanyang trabaho o [(basic wage x 130%) + COLA].
“For work done in excess of eight hours (overtime work), he/she shall be paid an additional 30% of his/her hourly rate on the said day [hourly rate of the basic daily wage x 130% x 130% x number of hours worked],” nakasaad sa paabiso.
Kung ang empleyado naman ay nagtrabaho sa special holiday na natapat sa kanyang rest day, dapat siyang bayaran ng karagdagang 50% ng kanyang daily rate sa unang walong oras ng kanyang trabaho o [(basic wage x 150%) + COLA].
Kung mag-o-overtime sa special holiday, na natapat sa kanyang rest day, dapat siyang bayaran ng karagdagang 30% ng kanyang hourly rate sa nasabing araw o [Hourly rate of the basic wage x 150% x 130% x number of hours worked].
ANA ROSARIO HERNANDEZ
Comments are closed.