MAULAN man ang paligid at baha ang ilan sa mga daraanan, nagsusumikap pa rin ang maraming empleyadong magtungo sa kani-kanilang trabaho nang matugunan ang nakaatang sa kanilang gawain. Pero importante pa rin na sa kabila ng pagtatrabaho ay isaalang-alang natin ang tamang pag-aalaga ng ating sarili. Napakahalaga ng pagkakaroon ng malusog na pangangatawan upang magampanan natin ang mga trabahong nakaatang sa atin. Kaya naman, sa mga nagtatrabaho sa loob at labas man ng bansa, narito ang ilang tips para mapanatili ang malusog na pangangatawan sa kabila ng puyat at pagod, at walang hulas na pagpatak ng ulan:
HEALTHY DIET
Mahalaga ang pagkakaroon ng balanseng diyeta lalo na ngayong basa ang paligid. Kailangang mapanatili nating malakas ang ating resistensiya nang hindi tayo madapuan agad ng sakit. Marami pa namang sakit ang nagkalat kapag maulan ang paligid. Kaya naman, kumain ng masusustansiyang pagkain.
MAG-EHERSISYO
Maulan man ang paligid, mahalaga pa rin na nakapag-eehersisyo tayo. Napabubuti ng pag-eehersisyo ang sirkulasyon ng dugo sa ating katawan. Mainam din ang gawaing ito nang mabawasan ang calories sa katawan. Nakapagpapabilis din ito ng metabolism at nakapagpapalakas ng immune system.
MATULOG O MAGPAHINGA NG TAMA
Maraming trabaho, hindi iyan maiiwasan. Habang may natatapos tayong isang gawain ay mayroon din itong kasunod.
Hindi maiiwasan ang trabaho, gayunpaman, huwag din nating pabayaan ang ating sarili. Maglaan tayo ng panahon upang makapagpahinga ang ating katawan at isipan. ang pagtulog ay nakatutulong upang ma-relax ang ating isipan.
IWASAN ANG MAG-ALALA NG SOBRA
Hindi rin naman nawawala ang problema sa buhay ng tao. Parang anino iyan na palaging nakabuntot sa atin. Gayunpaman, matuto tayong i-handle ang problema at stress. Matuto tayong i-relax ang ating sarili. Iwasan natin ang magpa-stress at mag-alala ng sobra dahil wala itong magandang maidudulot sa atin. Mag-isip din ng positibo sa kabila ng problema o alalahaning kinahaharap. Huwag ding panghihinaan ng loob. Maging matapang sa buhay nang maabot ang pangarap.
PANATILIHING MALINIS ANG MGA KAMAY
Kapag ganitong maulan ang paligid, hindi maiiwasang mapahawak tayo sa mga lugar o bagay na marurumi. Kung saan-saan nga naman napahahawak ang ating kamay kaya’t maaari rin tayong mahawa o madapuan kaagad ng iba’t ibang sakit. At para maiwasan ito, panatilihing malinis ang mga kamay. Huwag maging pabaya nang mapanatiling malusog ang pangangatawan. Makabubuti rin ang pagdadala ng alcohol o wet wipes sa tuwing aalis ng bahay o magbibiyahe.
IWASAN ANG PAGKAIN NG STREET FOOD
Kung may isa man tayong kinahihiligang mga Pinoy, iyan ay ang pagkain ng street food. Wala nga namang kasinsarap ang street food kahit pa sabihin ng marami na marumi ito. Mura lang din ito kaya’t kayang-kaya itong bilhin ng marami sa atin.
Gayunpaman, ngayong maulan ang paligid ay hindi tayo makatitiyak kung safe bang kainin ang mga pagkaing nasa kalye lamang. Para hindi magkasakit, iwasan ang mga ganitong klaseng pagkain. Pero kung hindi naman maiwasan, maging mapagmatiyag sa kakainin o bibilhan. Siguraduhing hindi pabaya ang tindera o nagluluto ng nasabing pagkain. Piliin din ang mga pagkaing maayos ang pagkakaluto at nakatakip.
HUWAG LULUSONG SA BAHA
Baha, iyan ang isa sa problema ng marami sa atin. Maraming lugar sa bansa ang binabaha kaya’t malaking problema ito sa mga taong araw-araw na umaalis ng bahay para magtrabaho o magtungo sa eskuwelahan.
Hangga’t maaari, iwasan ang paglusong sa baha dahil maaari itong maging dahilan ng pagkakasakit. Pahupain na muna ang baha bago lumabas ng bahay, eskuwelahan o opisina. Kung nagmamadali naman, makabubuti ang pagsusuot ng bota para hindi mabasa ang mga paa.
MALIGO KAAGAD KAPAG NABASA NG ULAN
Para rin maiwasan ang pagkakasakit, kapag nabasa ng ulan ay mas makabubuti kung maliligo kaagad. Pero mas makabubuti kung hindi magpapaulan. Sakali mang kailangang lumabas ng bahay o bumiyahe, magdala ng mga panangga sa ulan nang hindi mabasa.
Maging maingat tayo lalo na ngayong walang tigil sa pagbuhos ang ulan. Maraming sakit ang puwedeng dumapo sa atin. Pero kung magiging maingat tayo, maiiwasan natin ang magkasakit. (photos mula sa google) CS SALUD