TAMANG PAG-AALAGA SA PAA

FEET

ALAM mo bang ang ating mga paa ang isa sa pinakamahalagang parte ng ating katawan? Maliban sa ito ang nagdadala ng bigat ng anu-mang dala natin, apektado ang ating pang-araw-araw na gawain kung hindi natin ito mapanga­ngalagaan. Malaki­ng bagay ang nai-tutulong sa pagiging produktibo sa trabaho kung healthy ang ating mga paa.

Alam mo ba kung paano pangalagaan ang iyong paa upang maiwasan ang panga­ngamoy, pananakit at maging komportable? Tandaan, ang healthy feet ay mahalaga upang manatiling ‘feeling good and active’ sa bawat araw. Narito ang ilang bagay na maaari mong gawin para mapa­natiling healthy ang mga paa:

  1. PANATILIHING MALINIS AT TUYO ANG MGA PAA

COTTON CLUBAng healthy feet ay nagsisimula sa kalinisan.  Hugasan at kusku­sing mabuti ng sabon at tubig ang mga paa. Punasan at patuyuin  nang maayos. Siguraduhin na tuyo ang mga pagitan ng daliri.  Ang mga fungus ay laging nakaabang sa mamasa-masang bahagi ng katawan, lalo sa pagitan ng mga daliri. Kung gagamit ng medyas, piliin ang cotton nang hindi magpawis ang mga paa. Ang cotton ay maginhawa sa paa.

  1. SURIIN ANG PAA

Gawin ang pagsusuri kahit isang beses sa isang linggo. Pagkatapos maligo, tingnan ang paa, kuko at mga sulok ng daliri. Tingnan din kung nagka-karoon ng pangi­ngitim o nag-iiba ang kulay ng mga kuko.  Puwedeng dito mag-umpisa ang fungal infection. Higit na maging maingat ang may diabetes sapagkat mas mataas ang posibilidad ng ‘foot sores at infections’.

  1. GUPITIN NANG MAA­YOS ANG MGA KUKO

Mas mainam na de­retso lang ang putol ng kuko at hindi sagad at malapit sa laman. Ang paggupit nang pabilog sa kuko, partikular sa paa ay maaaring magdulot ng pagkakaroon ng ingrown.

  1. HUWAG ITAGO NG NAIL POLISH ANG SI­RANG KUKO

Ang kukong may problema, makapal o maitim, o biyak ay ‘di dapat lagyan ng nail polish. Mas mabuting pagalingin muna ito at hintaying tumubo nang maayos.

  1. BIGYAN NG PROTEK­SIYON ANG MGA PAA KUNG NASA LABAS NG BAHAY

Kung nasa swimming pool, gym o beach, dapat lang na magsuot ng proteksiyon sa paa. Ang mga ganitong lugar ay breeding grounds ng fungi na puwedeng ma­uwi sa infection. Makaiiwas din sa aksidente ng pagkasugat.

  1. IWASANG MANGHIRAM NG FOOT GEAR

Ayon sa mga eksperto, posibleng mahawa ng fungal infection sa paggamit o panghihiram ng medyas o sapatos na ginagamit ng iba. Lalo na ang mga foot gear na inaarkila lamang. Ugaliin ang pagdadala ng ekstrang medyas lalo na kung nasa biyahe.

  1. IWASANG MABABAD SA PAWIS ANG MGA PAA

COTTON CLUBYour feet have sweat glands galore — 250,000 in each foot. Kung pababayaan natin, dito nag-uumpisang magkaroon ng alipunga at masamang amoy ang paa. Malaki ang role ng tamang pagpili ng med­yas. May sapatos na kailangan ng makapal na medyas, may sapatos namang kailangan ng saktong kapal lang o nipis.

  1. PUMILI NG SAPATOS O SANDALS NA TAMA ANG SUKAT SA MGA PAA

Ang pagsusuot ng sapatos o sandals na eksakto o tama ang sukat sa paa ay malaking bagay para sa buong maghapong pagkilos. Mahalaga ang sapat na espasyo at hangin upang hindi mababad sa pawis ang mga paa. Kung ma­tindi namang magpawis ang mga paa, pumili ng leather shoes sa halip na plastic o synthetic.

  1. MAGSUOT NG KOMPORTABLENG SAPATOS

Ang masikip na sapatos ay nagdudulot ng pamamanhid, paltos at sugat sa mga paa. Iwasan ang pagsusuot ng sapatos na hindi tugma ang hugis sa hubog ng mga paa, lalo na sa bandang dulo o mga daliri. Ang pagsusuot ng sapatos na patulis ang dulo at hindi akma sa hugis ng paa ay magdudulot ng pagka­ipit sa mga daliri. Dahilan upang magpa­wis ng husto ang mga daliri at magkaroon ng ingrown at kalyo.

  1. BUMISITA SA DOKTOR KUNG KINAKAILANGAN

Iwasan ang self-medication upang hindi lumala ang anumang pamamaga, pagbabago ng kulay ng kuko, sobrang pagpapawis at mabahong amoy. Ang paggamit o maging pag-inom ng gamot na epek­tibo sa ibang tao ay hindi nangangahulugan na magiging akma rin sa iba.

Alalahanin, paa ang prime mover natin. Kung may problema sa paa, mahihirapan ta­yong makarating sa ating mga destinasyon. TERRY BAGALSO

Comments are closed.