TAMANG PAG-SISIPILYO (At kung bakit dapat na ituro sa mga bata)

Pag-sisipilyo

BUKOD sa magagandang kasuotan, ang ngiti ang pinakamagandang bagay na maaari nating isuot at ipagmalaki.

Lingid sa ating ka­alaman, ang oral health ay ang pinakahindi nabibigyang pansin sa ating bansa. Maraming kabataan ang nakararanas ng pagkasira ng ngipin.

Malaki ang epekto ng ating oral health sa kabuuang kalusugan ng ating pangangatawan. Ilan sa maaaring resulta ng hindi pag-aalaga sa ating oral health ay pulmonary disease, diabetes, osteoporosis, at maging sakit sa kidney.

Kaya naman, isa sa pinakaimportante at mabisang paraan upang pangalagaan ang ating oral health ay ang tamang pagsisipilyo.

Ngayong buwan ng Pebrero o ang National Dental Health Month, mas pag-ibayuhin natin ang ating kaalaman tungkol sa oral health. Simulan natin ito sa tamang paaran ng pagsisipilyo. At heto ang ilang gabay para sa tamang paraan ng pagsisipilyo ayon sa Philipine Dental Health Association:

TIGNAN ANG TAMANG FLUORIDE CONTENT NG TOOTHPASTE

Para sa edad 6 na buwan hanggang 2 taong gulang ang flouride content dapat ng toothpaste ay 1000ppm (parts per million) at 1500ppm naman para sa mga 4 na taong gulang pataas.

Ang flouride ay mahalaga para mapanati­ling malusog ang ating mga ngipin.

MAGLAGAY NG TAMANG DAMI NG TOOTHPASTE

Mahalaga ring alam natin kung gaano nga ba karaming toothpaste ang inilalagay natin sa ating sipilyo o toothbrush.

Para sa 6 na buwan hanggang 2 taong gulang, bahid lamang ng toothpaste ay sapat na. Para naman sa 3-6 na taong gulang, siguradu­hing ga-mais lamang na sukat ng toothpaste ang ilalagay sa sipilyo, habang buong ulo ng iyong sipilyo naman ang dapat punuin kung ikaw ay 7 taong gulang pataas.

SIPILYUHIN ANG NGIPIN NANG PAIKOT-IKOT

Ang tamang pagsipil­yo ng ngipin ay paikot at hindi lamang taas-baba na mosyon. Sa paraang ito mas nadaraanang maigi ang buong ngipin, maging ang mga gilagid.

MAGSIPILYO NG DALAWANG MINUTO

Hindi naman lingid sa ating kaalaman na ang ang tamang pagsisipilyo ay dapat tumagal ng 2 minuto. Upang bantayan kung gaano kahaba ang iyong pagsisipilyo ay maaaring gumamit ng timer sa iyong gadget.

Isa itong magandang gawi na dapat itinuturo natin sa mga bata. May ilang kantang pambata patungkol sa pagsisipil­yo. Maaari itong gawin upang mas maengganyong magsipilyo ang inyong mga chikiting.

PAGKATAPOS MAGSIPILYO, HUWAG MAGMUMOG

Nasanay tayong mga Pinoy na matapos magsipilyo ay dapat magmumog, ngunit mali pala ang kinagawian nating ito.

Sa halip na magmumog ay dumura lamang upang mapanatili ang flouride na kailangan ng ating mga ngipin. Kung hindi maiwasang magmumog, tiyakin lamang na isang beses lang ito at huwag gaano upang maiwasang matanggal ang lahat ang flouride na galing sa toothpaste.

GAWIN ANG PAGSISIPILYO SA UMAGA AT GABI

Dito ay itinuturo sa atin ang 2/2 rule o two minutes, twice a day rule. Magsipilyo sa loob ng 2 minuto dalawang beses sa isang araw.

Ito ay tuwing umaga at bago matulog sa gabi. Mahalagang ugaliin ang magsipilyo dalawang beses sa isang araw dahil kailangang maalis ang mga tira-tirang pagkain sa ating bibig.

Madalas na dahilan ng pananakit ng ngipin ay ang mga pagkain na sumingit sa pagitan ng mga ngipin. Lalo kapag kumain ng matatamis na pagkain, hindi maiiwasan na magkaroon ng cavities o butas ang mga ngipin na nagiging sanhi ng pagsakit nito.

HUWAG NANG KUMAIN O UMINOM NG GATAS MATAPOS NA MAGSIPILYO

Isang paalala na matapos ang buong araw ay huwag kalilimutang magsipilyo. Lalong-lalo na ang mga bata. Mas mainam na habang bata pa ay maituro na sa kanila na mahalaga ang pagsisipilyo.

Tuwing gabi, ma­inam na sundin ang steps na Kain-Sipilyo-Tulog. Ibig sabihin, matapos kumain ay magsipilyo, at pagkatapos namang magsipilyo ay matulog na at huwag nang kakain ng kahit na ano, gayundin ang pag-inom ng kahit na gatas.

Idagdag natin sa listahan ang pagkain ng tama, masustansiya at ang palagiang pagbisita sa dentista.

Walang mawawala kung gagawin natin ang tama, lalo na sa panga­ngalaga ng ating oral health maging ang ating pangangatawan.

Upang maiwasan ang mabahong hininga at bunging mga ngipin, isaalang-alang parati na ang oral health ay mahalaga at hindi dapat na binabalewa. At tandaang mas maganda at kaaya-ayang tingnan pa rin ang isang matamis na ngiti. MARY ROSE AGAPITO

Comments are closed.