(Ni PATRICIA CELINE R. SALAS)
SA PANAHON ngayon, hindi na maikakaila na halos kalahating porsiyento ng mamamayan ay palaging puyat o hindi na nakakukuha ng wastong oras ng pagtulog, dahil na rin sa mga iba’t ibang aktibidad na ginagawa natin sa buong araw.
Halimbawa na lang ang buong araw na pagtatrabaho sa opisina, na minsan ay may overtime pa.
Sa mga estudyante naman ay buong araw ring nasa eskuwelahan at kung minsan ay may mga extra-curricular activities pa, kasama na rin ang oras ng paglalaro.
Buong araw ay pagod ang ating katawan kung kaya naman, kailangan talaga natin ng wastong pahinga.
Sinasabing upang magkaroon ng malakas at malusog na pangangatawan ang isang tao, kailangang may sapat na tulog ito araw-araw.
Alam niyo ba na may batayan ang oras ng ating pagtulog base sa ating edad?
Narito ang mga inirerekomenda ng mga eksperto na oras ng tulog:
INFANTS O SANGGOL
Para sa infants o sanggol na may apat na buwang gulang hanggang labindalawa, inirerekomenda ang la-bindalawa hanggang labing-anim na oras ng tulog o 12-16 hours, kasama na rito ang nap o idlip ng bata.
TODDLERS
Para naman sa toddlers o bata na may edad na isa hanggang dalawang taong gulang, inirerekomenda ang labing-isa hanggang labing-apat na oras ng tulog o 11-14 hours, kasama na rin dito ang nap o idlip ng bata.
PRE-SCHOOLERS
Para naman sa pre-schoolers o bata na may edad tatlo hanggang limang taong gulang, inirerekomenda ang sampu hanggang la-bintatlong oras ng pagtulog o 10-13 hours, kasama na rin dito ang nap o idlip ng bata.
GRADE-SCHOOLERS
Para naman sa grade-schoolers o bata na may edad anim hanggang labindalawang taong gulang, inirerekomenda ang siyam hanggang labindalawang oras ng pagtulog o 9-12 hours.
TEENS
Para naman sa teens o kabataang may edad labintatlo hanggang labing-walong taong gulang, inirerekomenda naman ang walo hanggang sampung oras ng pagtulog o 8-10 hours.
Hindi lamang ang mga bata ang dapat na may wasto at kompletong oras ng pagtulog kundi pati na rin ang mga matatanda.
Narito naman ang mga inirerekomenda ng mga eksperto na oras ng tulog ng mga matatanda batay sa edad sa loob ng 24 oras o isang araw:
YOUNG ADULTS
Para sa young adults o may edad labing-walo hanggang dalawampu’t limang taong gulang o 18-25, inirerekomenda ang pito hanggang siyam na oras ng pagtulog o 7-9 hours.
ADULTS
Para naman sa adults na may edad dalawampu’t anim hanggang animnapu’t apat o 26-64, inirerekomenda ang pito hanggang siyam na oras ng pagtulog o 7-9 hours.
At ang huli, para naman sa older adults o may edad animnapu’t limang taong gulang pataas o 65+, inirerekomenda ang pito hanggang walong oras ng pagtulog o 7-8 hours.
Ang maayos na pagtulog ay napakahalaga sa bawat indibiduwal dahil katumbas din ito ng regular na pag-eehersisyo at healthy diet.
Ang kakulangan sa pagtulog ay nagdudulot din ng iba’t ibang klase ng sakit. Lumabas sa ilang pag-aaral na maraming negati-bong naidudulot sa hormones, exercise performance, gayundin sa brain function ang kakulangan sa tulog o tamang pahinga.
Nagiging dahilan din ito ng pagtaba, madaling pagkapagod at fatigue.
Ang puyat din ay nagdudulot ng somatic pain o sakit sa mga kasu-kasuan at sakit ng ulo.
Nakapipinsala rin ito ng immune system na siyang pangunahing proteksiyon ng katawan laban sa mga sakit at impeksiyon, at kapag ito ay humina, mas mabilis na ang paglala ng isang sakit.
Kaya naman ay ugaliin nating matulog ng wasto at sapat na oras upang magkaroon ng maganda at malusog na pangangatawan.
At upang maiwasan na rin ang mga sakit na dulot ng pagpupuyat.
Marami tayong dahilan kaya’t hindi tayo nakatutulog nang maayos. Gayunpaman, sikapin nating makapagpahinga.
(photo credits: goalcast.com, a menclinics.com, health.com, healthymummy.com)
Comments are closed.