TAMARAWS DUMIKIT SA V-LEAGUE CROWN

Mga laro bukas:
(Philsports Arena)
3 p.m. – DLSU vs FEU (Men)
6 p.m. – FEU vs UST (Women)

PINATAOB ng Far Eastern University ang La Salle, 25-22, 25-20, 18-25, 25-19, upang lumapit sa men’s crown ng V-League Collegiate Challenge Finals noong Linggo ng gabi sa Philsports Arena.

Makaraang hayaan ang Green Spikers na makakuha ng lifeline sa third set, pinigilan ng Tamaraws ang paghahabol ng defending champions, bumawi sa fourth set sa likod ni Arnet Bituin upang selyuhan ang Game 1 victory.

Magtatangka ang FEU sa clincher sa Game 2, alas-2 ng hapon, sa Miyerkoles sa parehong Pasig venue.

“’Yung mga mali lang siguro sa actual match, pagdating sa ensayo, pinagfo-focus-an namin ‘yung mga bagay na alam namin kung saan kami mahina. At the same time, kung saan kami malakas, iyun rin yung key para kami bumangon,” sabi ni coach Eddieson Orcullo, inalala ang adjustments na naglagay sa Tamaraws’ sa kinalalagyan nito ngayon.

Sinabi pa ni Orcullo na ang pagwasto sa kanilang mga pagkakamali at paglalaro sa kanilang lakas ay mahalaga para malusutan ang pagbangon ng La Salle.

Matapos ang third-set struggle, inamin ni Orcullo na inasahan nilang lalaban nang husto ang Green Spikers upang ma-extend ang laro.

“Given na pipilitin ng La Salle na makuha ‘yung third set. Siguro hindi rin nawala sa mentality ng players ‘yon, pero hindi dapat gan’on. Sabi nga, finish stronger,” sabi ni Orcullo.

Nanguna si Dryx Saavedra para sa Tamaraws na may match-high 19 points, kabilang ang 16-of-34 kills at 3 blocks, habang umiskor si Lirick Mendoza ng 13 points sa 11-of-21 spikes at 2 blocks.

Ang kontribusyon mula sa incoming rookies ng FEU ay naging game-changer.

Si Bituin ay naging instrumental sa final set, habang nagdagdag si Mikko Espartero ng 11 points at 9 receptions, at nagbigay ng crucial support sa critical moments.

Nag-ambag si Yong Mendoza ng 13 points, kabilang ang 3 service aces at 2 blocks, nagdagdag si Chris Hernandez ng 10 points at 10 receptions, habang gumawa si Rui Ventura ng 9 points para sa Green Spikers.

Nauna rito ay nakopo ng NU ang third place makaraang gapiin ang University of Santo Tomas, 25-19, 34-32, 31-29.