PORMAL na nilagdaan ng Pasig River Rehabilitation Commission (PRRC) at ng World Experience Philippines (WEP) ang isang memorandum of agreement upang higit na mapaigting ang mga inisyatibong kaunlarang panglipunan at pagkalinga sa Baseco at iba pang mahihirap na komunidad sa buong Kamaynilaan.
Sa naganap na MOA signing sa Ali Mall, Quezon City kamakailan, napagtibay ni WEP Executive Director J Simoun A. Balboa ang kanilang ibayong pagsuporta sa adbokasiya ng PRRC kagaya ng pagtugon ng nasabing ahensiya sa mga isyung pangkalusugan, socioeconomic at edukasyonal.
“Sa pagtuturo at pagbibigay halaga sa mga residente ng Baseco kung paano mapapangasiwaan ang kanilang mga kalat at kung paano ito pagkakakitaan, malinaw na matutulungan nito kami kung paano lutasin ang suliranin sa mga household waste na itinatapon nila sa Ilog Pasig,” pahayag ni PRRC Executive Director Jose Antonio Ka Pepeton E. Goitia.
Bago pa man mangyari ang naturang MOA, matagal nang nagtutulungan ang PRRC at WEP upang gamitin ang mga water hyacinth sa kanilang handloom weaving livelihood program.
Isang non-governmental organization ang WEP na umaayuda sa mga mahihirap na komunidad sa buong Metro Manila sa pagsasagawa ng awareness-raising projects.
“Dulot ng partnership ng PRRC at WEP, higit pang mahihimok ang publiko na lagpasan ng kanilang pananaw ang pisikal na kondisyon ng mga slum area at mahalina silang makibahagi para sa ikabubuti ng mga kapuspalad na komunidad,” dagdag ni PRRC deputy executive director Jimbo Mallari.
Comments are closed.